Tinutulan ng grupo ng mga guro ang anila’y minadali na bagong kurikulum ng senior high school (SHS) na ipatutupad ng Department of Education (DepEd) sa mga piling paaralan simula Hunyo 16, at nagmungkahing dapat muling tingnan nang komprehensibo ang kasalukuyang kurikulum.
Para sa Alliance of Concerned Teachers National Capital Region (ACT NCR) Union, dapat sumailalim ang kasalukuyang kurikulum sa malawakan at komprehensibong pagsusuri na nakaangkla sa uri ng edukasyon na kailangan ng kasalukuyang lagay ng bansa.
Sa ilalim ng bagong kurikulum, gagawing limang core subject na lamang mula sa kasalukuyang 15 ang required subjects ng mga estudyante; magkakaroon ng kalayaan ang mga estudyante na kumuha ng mga elective subject; at aalisin na ang mga strand at gagawing academic o technical professional track na lamang ang pagpipilian ng mga estudyante.
Kabilang sa limang core subject sa bagong kurikulum ang effective communication, life skills, general science, general mathematics, at pag-aaral sa kasaysayan at lipunang Pilipino.
Bagaman kinikilala ng unyon na siksik sa dami ng asignatura ang kasalukuyang kurikulum, nangangamba sila na matatabunan ng pagbabawas sa asignatura ang mga kakayahan at kaalamang kailangang matutuhan ng mga estudyante tungo sa makabuluhang buhay.
“Kapag ginawa mo talaga na lima yung core subjects, nagiging malabnaw yung mga importanteng subject. … Doon sa mismong pagbabawas nila (DepEd), napaka-ironic na yung dapat kunin ng ating mga estudyante ay hindi naman kasama doon,” ani Ruby Bernardo, pangulo ng ACT NCR Union at guro sa Filipino, sa panayam ng Kulê.
Ginamit na halimbawa ni Bernardo ang paghahalo ng Ingles at Filipino sa asignaturang effective communication gayong aniya dapat pang pataasin ang diskurso sa Filipino sa pamamagitan ng paggamit nito sa lahat ng sangay ng pamahalaan at sa iba pang larangan.
Kinondena rin ang kahalintulad nito sa Unibersidad ng Pilipinas na UP Core Curriculum Proposal. Gaya sa bagong kurikulum ng SHS, layon ng panukalang paikliin ang bilang ng taon ng pag-aaral ng mga estudyante sa unibersidad upang agad silang makapagtrabaho sa pamamagitan ng pagbabawas sa mga kursong dapat kunin.
Taong 2023 nang buuin ang isang task force, sa ilalim ni Vice President Sara Duterte na noo’y DepEd secretary, na susuri sa pagpapatupad ng senior high school program sa loob ng isang taon.
Nagkasa naman ng konsultasyon ang DepEd sa publiko sa pamamagitan ng paghingi sa mga ito ng komento hinggil sa bagong kurikulum sa isang online public consultation noong Abril 4–11. Ngunit nanindigan ang ACT NCR na bahagi dapat ng komprehensibong konsultasyon ang malalimang pagsusuri sa kurikulum na isasagawa kada tatlong taon, hindi lamang isang beses.
Pinangangambahan din ng unyon ang napakabilis na implementasyon ng bagong kurikulum at hindi rin anila sapat ang ilang linggong pagsasanay sa iilang guro upang epektibong maipatupad ito. Hindi rin kumpleto ang mga learning material na gagamitin sa bagong kurikulum dahil kasalukuyang dumadaan pa ang mga ito sa pananaliksik.
Bukod dito, isa pa sa panganib na kahaharapin ng mga guro sa SHS sa pagpapatupad ng bagong kurikulum ang posibilidad na mawalan ng trabaho, mabawasan ng teaching load, o mailipat sa junior high school sa darating na pasukan.
Samantala, pagpapalakas sa foundational years o una hanggang ikatlong baitang ng mga estudyante ang mas kailangang pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa, ani ng unyon, katugma rin sa mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education Year Two Report.
Kabilang din dapat sa reporma sa edukasyon ang pagtugon ng pamahalaan sa kakulangan sa bilang ng mga guro, silid-aralan, at non-teaching personnel sa halip na implementasyon ng bagong kurikulum sa SHS, giit ni Bernardo.
“Kung hindi namin alam kung para kanino at para saan ang aming tinuturo, doon mas lalong lumalala yung krisis sa [edukasyon] … Kailangang kilalanin din [ng pamahalaan] yung alternatibong inihahain natin na magkaroon ng makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon para sa ating mga estudyante,” ani Bernardo. ●