Binabagtas araw-araw ng libo-libong kababaihang komyuter ang riles at kalsada sa pamamagitan ng pampublikong transportasyon. Ngunit dagdag sa pakikipagsiksikan sa jeep, bus, o tren, kailangan pa nilang mag-ingat sa nagbabadyang panganib ng pambabastos.
Tampulan ng pinaghalong galit, muhi, at paninisi ang mga balita’t bidyo na nagpapakita ng mga insidente ng pambabastos. Mahigit kalahati sa mga pasaherong nakaranas ng sexual harassment sa loob ng pampublikong transportasyon ay mga babae, ayon sa pananaliksik ng UP School of Urban and Regional Planning noong 2017. Sa kabuuang bilang ng mga biktima, 85% sa kanila ang hindi idinulog sa kinauukulan ang nangyari.
Hindi nakatutulong na sinasawalang-bahala ng mga opisyal at awtoridad ang pagsusumbong ng mga biktima. Mapa-babae, lalaki, o LGBTQ+ man, pinangungunahan ang mga komyuter ng pangamba ng victim-blaming at kawalan ng tiwala sa pulisya, batay sa pag-aaral ng Ohio State University noong 2020. Hindi lamang naitatapon ang pangakong proteksyon ng Safe Spaces Act, bigo ring maparusahan ang mga manyak na maaaring mang-abuso nang paulit-ulit.
Sa halip na paigtingin ang mga mekanismo ng pagdudulog, nakukulong ang aksyon ng Department of Transportation (DOTr) sa paghihiwalay ng bagon ng mga babae, senior citizen, buntis at PWD. Ngunit hindi natutuldukan ng segregasyon ng bagon ang kulturang nagpapahintulot sa malisyoso at sekswal na pambabastos ng mga mapagsamantala. Bagkus, pinaiigting pa lalo ng mga paraang ito ang kaisipan na likas na udyok lamang ang pambabastos.
Bigo rin ang DOTr na kilalanin ang reyalidad na maaaring mangyari sa kahit sino ang harassment saan mang sasakyan na may bastos. Patunay dito ang kaliwa’t kanang mga reklamo laban sa mga drayber ng motorcycle ride-hailing apps.
Bagaman may mga pananaliksik na nagrerekomenda sa paghihiwalay ng bagon, bagay na sinasabayan ng DOTr ng mga libreng sakay para sa kababaihan at pagdidikit ng bawal bastos na mga poster, hindi dapat nakukulong dito ang hakbang ng DOTr sa gender and development (GAD). Maliban sa kawalan ng malinaw at komprehensibong sistemang maaaring kapitan ng mga biktima upang makapagsumbong at makamit ang hustisya, kabaha-bahala rin na hindi kinokonsolida ng DOTr at ng ibang kaugnay na ahensya ang mga kaso ng harassment sa kabila ng malaon nang pag-iral nito.
Mag-uumpisa ang tahak patungo sa kaligtasan ng mga pasahero sa pamamagitan ng akmang paggamit ng 5% na alokasyon ng GAD sa badyet ng DOTr. Hindi sapat ang mga lumang implementasyon upang tugunan ang pambabastos sa loob ng pampublikong transportasyon. Sa halip, kinakailangan ng mas pinahigpit na pagpapatupad ng Safe Spaces Act, mula sa pagpapabuti sa trauma-sensitive na sistema sa mga quick response team, pagpapalawig ng mga pagsasanay para sa mga awtoridad at empleyado ng transportasyon hinggil sa batas, at pagbubuo ng matibay na proseso kung saan napapanagot ang mga salarin.
Kung nais ng gobyernong mabasag ang siklo ng panganib at takot na lumalamon sa seguridad at dignidad ng mga biktima, nararapat nitong tingnan ang kaligtasan ng komyuter laban sa pambabastos bilang salik at bahagi ng pagpapaunlad ng pampublikong transportasyon sa bawat syudad at probinsya.
Higit sa lahat, nararapat na kilalanin ng pamahalaan ang ligtas na espasyo at GAD bilang pamantayan ng pag-unlad ng bansa, at hindi lamang bilang mga pampabangong kampanya na isinasabatas at kalauna’y pinababayaan. Kung ang layunin ng gobyerno ay gawing mas makamasa ang pampublikong byahe, kagyat ang pangangailangang baguhin ang lente ng pagpapatupad at pagpapanatili ng ligtas na espasyo na karapatan ng bawat komyuter. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-1 ng Mayo 2025.