Pipiliin na lamang manatili ng tubong Bikolanong si Kristin Roncesvalles, first-year BA Theater Arts student sa UP Diliman, sa kanyang dormitoryo kaysa bumyahe sa Albay at bumoto sa darating na national midterm elections sa darating na Lunes dahil sa panghihinayang sa pamasaheng gagastusin at tambak na akademikong gawain.
“Hindi na rin praktikal na magbalikan lang para sa akin considering yung tagal ng biyahe ko na umaabot ng mahigit siyam na oras papunta pa lang,” saad ni Kristin.
Isa si Kristin sa mga apektadong estudyanteng hindi makaboboto kasunod ng anunsyong inilabas ni UP President Angelo Jimenez kamakailan lamang na walang mangyayaring kanselasyon ng klase sa Mayo 10 at 13 na pumapalibot sa araw ng eleksyon.
Sa kabila ng petisyon ng Office of the Student Regent, walang idineklarang kanselasyon ang mga tsanselor sa mga unibersidad. Ibig-sabihin, maaari pa ring magbigay ng pagsusulit at gawaing ipapasa ang mga propesor sa buong UP System sa mga naturang araw.
Oras, Pagod, at Pamasahe
Kakapusan sa pambayad sa mahal na pamasahe para sa panandaliang pag-uwi naman ang isa pa sa mga tinitingnang sanhi kung bakit pipiliin na lamang ng ibang estudyante na hindi umalis sa Kamaynilaan at pumunta sa kanilang probinsya.
Hindi na makakayanan ng badyet ni Gerra Batiao, first-year BS Chemical Engineering student, na umuwi pa sa kanyang sinilangang bayan sa Camiguin dahil pumapatak sa humigit-kumulang P9,000 ang kanyang gagastusin para sa isang araw ng pagpunta at pagbalik sa unibersidad.
“Mahal na ito para sa akin, and in fact, sobra-sobra na yan sa monthly expenses ko,” daing ni Gerra.
Gayundin, katulad ni Kristin, oras din ang isa sa mga kalaban ni Gerra na pumipigil sa kanyang pag-uwi sa kanilang lugar upang bumoto.
“After landing sa Cagayan de Oro, may series of bus and ferry rides pa, siguro mga around 11 hours total papunta. Kung magbabarko doon na mas tipid, aabutin siguro ng mahigit-kumulang sa tatlong araw. Napakalayo talaga ng ibabyahe ko if ever, hindi na makakayanan ng oras, lalo na ngayong papalapit na ang katapusan ng sem,” dagdag niya.
Bagaman walang eksaktong datos sa bilang ng mga estudyante sa UP Diliman na taga-Mindanao, para kay Gerra at sa iba pang mga estudyanteng nakatira rito, nakikitang sakit sa ulo at pagod lamang ang pag-uwi pa sa darating na halalan lalo’t mayroon pa silang papasuking klase kinabukasan.
“Tulungan niyo po sana ang kabataan na matupad ang tungkulin nila. Ang isa o apat na araw na suspensyon ay hindi naman magiging sayang kung ang rason naman ay para sa kaunlaran at kabutihan ng bayan,” saad ni Gerra.
Ipipilit Kahit Mahirap
May ilan ding piniling tumuloy sa kanilang mga tahanan sa kabila ng mga nakabinbing gawain, makaboto lamang sa darating na eleksyon.
Kabilang dito ang fourth-year BA Communication student sa UP Baguio na si Jairus na uuwi pa sa Tuguegarao, Cagayan Province upang bumoto kahit na may mga kinakailangan pa siyang ipasang awtput sa unibersidad.
“Iniisip ko pa yung mga schoolwork ko. May paper kaming tinatapos ng groupmates ko and ang naging plano ko, two days before election day ay gagawin ko na yung papers na need kong gawin. I really want to exercise my right to vote ngayong midterm elections. Nakaka-frustrate, nakakalungkot, at nakakagalit na hindi man lang sinuspend yung classes systemwide and even pati ng UP Baguio Admin mismo,” hinaing ni Jairus.
Patuloy namang kinakatok ni Student Regent Francesca Duran ang mga unibersidad na magkaroon ng academic ease ang mga estudyante, pati na rin ang mga kaguruan, upang magbigay-daan sa kanilang pagboto sa darating na halalan.
“Wala dapat sa burden ng students and faculty ang pag-a-adjust dahil may national elections. Karapatan natin bumoto na dapat freely and easily natin nae-exercise without barriers,” saad ni Duran.
Kabilang ang mga kwento nina Kristin, Gerra, at Jairus sa marami pang mga estudyante sa UP na naiipit sa kanilang tungkulin bilang isang mag-aaral ng unibersidad at bilang isang botante ng bayan.
“Alam namin ang papel naming mga kabataan sa eleksyon, at alam namin na higit pa ito sa pagiging estudyante ng unibersidad, pero kinailangan naming piliin maging praktikal dahil wala namang naibigay na konsiderasyon para sa amin,” dagdag ni Kristin. ●