Malinaw pa sa alaala ni Maria Fe Gagatam, 72, kung paano sila pinangakuan taong 2021 ng libreng pabahay ng noo’y alkalde at bise alkalde ng Maynila na sina Isko Moreno at Honey Lacuna.
Kabilang ang pamilya ni Fe sa 600 mag-anak na nawalan ng tahanan sa sunog na tumupok sa Block 15A sa Baseco, Maynila, noong Peb. 6, 2020. Nakatakda para sa mga residenteng nasunugan at iba pang pamilya sa Baseco ang pampublikong pabahay na Basecommunity, na ibinida ni Moreno dalawang buwan bago niya ianunsyo ang pagtakbo sa pagkapangulo para sa halalan 2022.
Isa si Fe sa 229 na pinagkalooban ng yunit.
Ngunit kung ano ang pagmamalaki ni Moreno at Lacuna sa proyekto na matagal na anilang pangarap para sa mga maralita ng Maynila, ganoon na lamang ang panliliit na naramdaman ng mga residente gaya ni Fe, noong 2023 nang unti-unti silang binabaan ng mga eviction notice at kasulatan hinggil sa hindi pagbabayad sa mga yunit.
“Masakit, masama sa pakiramdam,” ani Fe. “Mahirap ka na nga, nasunugan ka na, ginaganyan ka pa.”
Patong-Patong na Perwisyo
Dalawang palapag ang bawat 42-metro kwadradong yunit sa Basecommunity. Ipinamahagi ito sa pamamagitan ng pag-ra-raffle sa mga residenteng nakatira noon sa kinatitirikan ng pabahay ngayon at sa 600 pamilyang nasunugan—bilang na maaaring umabot sa 1000 kung isasama ang mahigit 400 nangungupahan.
Kaya labis ang tuwa at pasasalamat ng ginang sa lokal na pamahalaan ng Maynila nang matawag ang pangalan ng kanyang asawa sa mga mabibigyan ng yunit. Gaya ng mga kapitbahay niyang napagkalooban ng bahay, sinuportahan nila ang kampanya ni Moreno noong 2022 dahil sa binigay nitong atensyon at tulong sa mga mahihirap.
"Basecommunity" ang bagong komunidad na itinayo sa Baseco, Maynila matapos matupok ng sunog ang kabahayan dito noong 2020. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Naputol lamang ang suportang ito matapos ang eleksyon. Matapos matalo ni Moreno sa kanyang kandidatura at nang pumalit sa pagka-alkalde ang noo’y kasangga niya na si Lacuna, unti-unting nagsimulang mangolekta ang Maynila ng renta para sa Hunyo hanggang Disyembre 2022.
Nang minsa’y komprontahin, tinanggi ng alkalde ang pagkakasangkot sa singilan, kahit pa nasa pangangasiwa nito ang Manila Urban Settlements Office, isa sa mga ahensya kung saan nakapailalim ang Basecommunity. Iyon na rin ang huling pagkakataon na kinausap sila ni Lacuna, samantalang hindi na nagpakita si Isko.
“Tatlong beses kaming pumunta doon sa City Hall. Nandon [kami] sa ilalim ng tulay pinapunta ng mga pulis,” ani Fe. “Hindi siya humaharap sa amin.”
Noong bagong lipat pa lamang sa mga yunit, sinalubong din ang mga residente ng tumataginting na bayarin sa tubig kahit hindi pa sila nakakagamit ni isang patak, gaya na lamang ng P2,000 siningil kay Fe. Ito aniya ay mula sa nakonsumong tubig ng mga tauhan noong ginagawa pa lamang ang pabahay.
Pangamba ni Fe, isa sa benepisyaryo ng yunit, ang napipintong pagpapalayas sa kanila. Pananakot at panggigipit ang naging sukli sa mga residente. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Pagsasanegosyo ng Serbisyo Publiko
Hindi binanggit sa anumang talumpati o anunsyo na mayroong buwanang bayad ang Basecommunity. Sa halip, pinahiwatig lamang ni Moreno sa inagurasyon na hindi na mangangamba pa sa kawalang kasiguraduhan ng pagkakaroon ng tahanan ang mga maralita dahil sa pabahay.
“Bogus ang [Basecommunity],” ani Roberto Tingson, tagapangulo ng Liga at Ugnayan ng mga Samahang Maralita sa Pilipinas (LUPA-Pilipinas), sa panayam ng Kulê. “Eleksyon eh, binigay kunwari bilang tulong sa mga nasunugan pero may bayad pala.”
Sa halip na mapunta sa benepisyo ng mga mamamayan, kinagagalit ng LUPA-Pilipinas ang anila’y pagsasanegosyo ng gobyerno sa mga pampublikong lupa na nagiging pagkakataon upang pagkakitaan ng mga developer at pulitiko. Lumilikha ang gobyerno ng kasunduan sa mga kontraktor upang paalisin sa kanilang tinitirhan ang mga maralita at pagtirikan ng mga pribadong proyekto, ayon kay Tingson.
Kabilang sa mga inaalala ng mga maralita sa Tondo ang nagbabadyang konstruksyon ng Pasig River Expressway o PAREX, proyekto ng Philippine National Construction Corporation at San Miguel Corporation, na inaasahang tatama sa mga komunidad ng Baseco, Parola, at Aroma.
Tampulan din ng reklamasyon para sa mga pribadong negosyo ang mga bahaging ito ng Tondo na malapit sa Manila Bay, gaya na lamang ng Manila North Harbour Port Inc. ng pamilyang Romero noong 2009, kung saan nabili ng San Miguel ang kalakhan taong 2016. Sa pantalan pa lamang, pinagsasaluhan na ng mga Ang, Romero, at Razon ang hindi bababa sa 60-ektaryang lupa na pinalawak kamakailan ng P22.9 bilyon reklamasyon.
Nilamon noong Setyembre 2024 ng ikalawang sunog sa parehong taon ang 12 gusaling pabahay sa Aroma. Bago pa man ang sunog, matagal nang pinapaalis ng kapulisan ang mga residente na temporaryo lamang na nananatili dahil sa hindi naisakatuparang kasunduan ng gobyerno at pribadong kontraktor para sa permanenteng pabahay.
Kinolateral na pala ng gobyerno sa R-II Builders ng mga Romero ang lupa, na ngayon ay binabawi na upang pagtayuan ng komersyal na establisyemento.
Sa Parola, hindi bababa sa apat na malawakang sunog ang nangyari noong 2024. Mula Baseco, Parola, at Aroma, hindi na kataka-taka at bago ang sunog na para sa kanila ay anumang oras, maaaring mangyari.
Dahil sa mga taktika ng panggigipit na sumusulpot, ang hiling ng mga residente ay permanenteng bahay, hindi temporary o relocation shelter kung saan nananatili ang banta ng pagpapaalis.
Lingid sa kaalaman ng mga residente ang buwanang bayad na sinisingil. Kung gaano minadali ang pagpapapirma sa kontrata, ganoon din kabilis ang pagkakapako ng pangakong libreng pabahay. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
“Hindi Niyo ba Binasa ang Kontrata?”
Nang mangyari ang pirmahan na magpapatunay sa kanilang pagmamay-ari ng bahay, pinagsama-sama sa isang mabilisang pila ang mga benepisyaryo. Maliban sa paalala ng City Hall at ni Moreno sa mga residente na panatilihing malinis at masinop ang bawat yunit, hindi sila nabigyan ng pagkakataon na basahin ang nilalaman ng dokumento o mapaliwanagan man lang hinggil sa mga kondisyon nito.
Sa nilagdaang Conditions for Agreement ng asawa ni Fe na ibinahagi sa Kulê, makikita sa likod ang hindi komprehensibong mga kondisyon sa pagitan ng tenant at ng Manila Urban Settlements Office. Ayon sa Seksyon 9 nito, “beneficiaries may be ejected from the Unit, upon written notice, based on the grounds provided in the Occupancy Agreement and Ordinance (Ordinance 8730).”
Subalit hindi binanggit ng mga tauhan ng City Hall, na nagpapirma kina Fe, ang Ordinance 8730 ng Maynila, na naglalaman ng mga kondisyon sa mga pabahay ng lokal na gobyerno at kung saan nakabatay ang mga kondisyon na kanyang pinirmahan. Nakalagay sa ordinansya na maaaring mapatalsik sa kanilang yunit ang isang pamilya kung bigo itong makapagbayad ng amortisasyon sa loob ng tatlong buwan.
Sa Seksyon 31 ng ordinansa, nabigyang-linaw na mayroon ngang kokolektahing buwanang “mandatory contribution” na hindi bababa sa P2,000 mula sa mga benepisyaryong kumikita ng minimum wage, at hindi bababa sa P3,000 naman mula sa mga pamilyang kumikita ng higit sa minimum wage.
Hindi rin lubusang totoo ang pangako ni Moreno at Lacuna ng panghabambuhay na tahanan, gayong maaari lamang manuluyan ang bawat pamilya sa yunit hanggang 50 taon at hanggang nabubuhay ang benepisyaryong nakasaad sa pirmadong kontrata.
Nagbanta ang mga umaaligid na tauhan ng City Hall na kung hindi pa babayaran ng mga residente ang utang sa pabahay, hindi mag-aalinlangan ang lokal na gobyerno na bawiin ito.
“Nagbanta sila na pagkatapos ng eleksyon, apat na bahay ipapadlock nila,” ani Fe. Maging ang mga paninda sa sari-sari store ng ginang ay binabadyang kukumpiskahin.
Napapailing na lang ang mga residente sa balintuna ng kanilang sitwasyon. Bukod sa dagok ng buwanang singil ng renta, hirap din sila sa pag-akses ng mga serbisyo gaya ng tubig at sa patong-patong na singil nito. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Pag-Asa sa Pananatili
Sa kasalukuyan, pinanghahawakan ng LUPA-Pilipinas ang pangako ng Department of Human Settlements and Urban Development, na kakausapin umano ang lokal na pamahalaan ng Maynila upang matigil ang banta ng pagkakandado sa mga bahay ng hindi nakakabayad.
Inihayag na rin ng Commission on Human Rights na handa itong mag-abot ng legal na tulong kung kailanganin man ng mga residente.
Sa kabila nito, walang kasiguraduhan ang mga susunod na araw para kay Fe. Sa pagbabalik ni Moreno bilang alkalde ng Maynila, kinatatakutan ng ginang na babalik din ito sa panggigipit sa mga komunidad na pinagmamalaki ni Moreno bilang pinanggalingan niya.
Tanging inaasahan na lamang ng mga residente ang pagkontra ng iba-ibang samahang pangmaralita, gaya ng LUPA-Pilipinas, sa nagpapatuloy na pagbaba ng eviction notice, paniningil, at pananakot ng mga kinauukulan.
“Ang panawagan namin ay ibigay na sa mga maralita ang Basecommunity—kilalanin ang pabahay bilang serbisyo publiko at hindi negosyo,” daing ni Fe. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-27 ng Mayo 2025.