Malakas tumawa, masayahin—animo’y walang iniindang kalungkutan. Pero kung ako’y nag-iisa at sa tuwing nananalamin, marami akong katanungan sa sarili. Tumanda akong hindi buo, marami ang kulang sa akin. ‘Yan ang malungkot na parte ng buhay ko na hindi ko maitatanggi. Hindi ko man lang nakilala o nakita ang aking tatay at lumaki ako sa pangangalaga ng tiyahin ko. Namasukan ako, kapalit ng pag-aaral ko.
Uhaw na uhaw ako sa pagmamahal ng isang ama, uhaw sa pagmamahal ng isang buong pamilya. Kaya sa tuwing makakakita ako noon ng isang buo ang pamilya, inggit na inggit ako at naiiyak. Pero tamang punas lang ng luha at sasabihin sa sarili, “Sila ‘yun, iba ka.” Gano’n lagi. Hindi ko rin naranasan noong bata ako ang maglaro sa labas, ang maging malaya.
Bata pa lang ako, kailangan ko na magtrabaho para makapag-aral at kailangan ko paghirapan ang binibigay sa aking baon na limang piso araw-araw. Pagkaminsan, may isang piraso ng nilagang saba—ayun lang, sapat na.
Nairaos ko ang elementarya na gano’n ang sistema ng buhay ko. Paulit-ulit umiikot ang buhay ko sa eskwela at bahay ng tita ko. Hindi nila alam kung paano ko nairaos ang mga kailangan ko sa eskwela at mga project. Dumiskarte ako dahil may mga tamad akong kaklase noon at ako ang gumagawa ng mga assignment nila, at may bayad silang masarap na pagkain kinabukasan. Baon-baon ko ang diskarteng ‘yun hanggang high school.
Hindi naman kaila sa mga guro at kaeskwela ko ang katayuan ko sa buhay noon, bagkus hinahangaan pa nga nila ako. Ayun nga lang, nalulungkot ang mga guro ko kapag kailangan akong sabitan ng medalya at walang magulang na pumupunta para sa akin. Naiiyak man ako, pero kailangan kong maging matatag dahil ako lang ang makakatulong sa sarili ko. Natuto akong lumaban sa buhay nang mag-isa.
Matapos ang yugto ng buhay ko sa high school, hindi na ako nakapagkolehiyo. Tinamad ako, napagod at nawala sa diskarte. Nabarkada sa hindi maganda, nakapag-asawa nang maaga. Hindi ko magawang sisihin ang sarili sa mga maling desisyon ko. Sadyang wala lang akong masandalan noong mga panahong kailangan ko ng masasandalan. Ipinangako ko sa sarili ko na kapag bumuo ako ng pamilya, hindi ako magkukulang—bubusugin ko ang mga anak ko sa pagmamahal. Sisikapin kong hindi nila maranasan ang mga dinanas ko.
Kahit sobrang naiiyak sila kapag kinukwento ko ang mga pinagdaanan ko, lagi kong sinasabi na iyon ang halimbawa ng hindi pagtatanim ng sama ng loob dahil ngayon, nakikita nila kung paano ko mahalin at alagaan ang nanay ko kapag nasa akin siya. Kaya sobrang mahal nila lola nila. Nanay ko siya at nag-iisa lang siya. Ayoko nang isumbat pa sa kanya ang mga pinagdaanan ko. Ang mahalaga ay ‘yung ngayon na dapat ay maging masaya.
Ngayong isa na akong nanay, buo na ako. Binuo ako ng mga anak ko. Ginagawa ko ang lahat para maging isang mabuting ina sa kanila. Hindi man kami mayaman sa materyal na bagay, punung-puno naman kami ng yaman sa paggalang at pagmamahalan. Nakakaranas man ako ng hindi magagandang alaala, napapalitan naman ang mga ito ng mga masaya’t makulay at puno ng pag-asa.
Lumaki man akong hindi buo, at least ngayon, maipagmamalaki ko ang binuo kong pamilya. Dumanas man ako noon ng pait sa buhay, ngayon walang kasing tamis ang aking saya mula sa aking asawa at mga anak. ●
Unang nailathala ang artikulong ito noong ika-10 ng Mayo 2020.