Alas-8 pa lamang ng umaga noong Hunyo 18 nang magtipon-tipon ang mga magtutubo at magsasaka sa Balayan Government Center sa Batangas. Patungo sila sa AGAP Building na katabi lamang ng munisipyo at napapaligiran ng ekta-ektaryang sakahan at tubuhan.
Sinubukan mang gambalain ng mga lokal na pulis, taas-noo nilang nailunsad ang kanilang programa para sa mga kahingiang bayad-pinsala at suporta sa 8,089 na magtutubo at magsasaka sa probinsya na nasalanta ng Bagyong Kristine noong Oktubre 2024.
Sama-samang nagmartsa patungo sa Balayan Government Center ang mga apektadong magsasaka at magtutubo mula sa iba-ibang panig ng Batangas upang makipagdiyalogo kasama ang Department of Agriculture-CALABARZON. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Walong buwan na ang nagdaan nang maunsiyami ang mga sakahan at tubuhan, ngunit ramdam pa rin ng mga magsasaka ang bigat ng pinsala buhat ng kawalang-aksyon ng pamahalaan. Ito, sa kabila ng P42 milyong pondo na inilaan matapos ideklara ng lokal na pamahalaan ang state of calamity sa lalawigan, ang P2 bilyon mula sa Department of Agriculture (DA), at mga hindi nagamit na disaster fund ng probinsya.
Hanggang walang inihahaing kongkretong suporta at tulong ang pamahalaan na mga butil, materyales, makinarya, at kaukulang bayad-pinsala para maiangat ang estado ng sektor ng agrikultura, higit lamang lulubog sa lupa ang lugmok nang kalagayan ng mga magtutubo at magsasaka.
Pag-usbong ng Unos
Kalat-kalat na ang pananim, troso, at mga parte ng bahay nang datnan ng magsasakang si Edna Bayungan at magtutubo na si Myrna Benjamin ang kanilang taniman.
Tinatayang umabot sa P6.20-bilyong halaga ng pinsala ang iniwan ng unos, ayon sa DA Disaster Risk Reduction Management Operations Center. Buhat nito, nangako ang ahensyang mamamahagi ito ng P541 milyon para sa binhi, P500-milyong pautang, at P1-bilyong quick response fund. Para sa mga magtutubo, nagpahayag ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na sila ay mamamahagi ng mga libreng taad o mga putol na tubong maaaring muling itanim.
Sa kabila ng mga pangakong libreng taad at pinansyal na suporta ng mga ahensya, wala pang dumarating na tulong o kahit butil sa palad ng mga naapektuhang magsasaka at magtutubo magpahanggang-ngayon. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Subalit liban sa donasyong yero at bigas ng isang dating kandidato sa pagka-kongresista, wala silang natanggap ni kusing na tulong para sa mga nasirang pananim, ani Edna at Myrna. Bagsak ngayon ang kita ng mga magsasaka at magtutubo. Si Myrna na kumikita ng P500 sa tubuhan, madalas limang araw pa bago ito mabuno dahil hinahakot at binabiyahe pa ang mga tubo.
Upang makaagapay sa mga gastusin, napwersa ang mga magsasakang humanap ng dagdag na pagkakakitaan. Si Edna, naggagamas at naghuhulip sa tubuhan habang si Myrna naman, kung hindi naghuhurnal, naglalabada o naglilinis sa ibang bahay.
"Parang ang hirap yatang makabangon. Ang alam mo lang na trabaho, maggagapak, tapos na-pending," ani Myrna.
Matapos ang Bagyong Kristine, panibagong unos na naman ang sinuong ni Myrna at ng kanyang asawa sa paghahanap ng mga alternatibong pagkakakitaan, bukod sa kinagisnang pagtutubo. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Pinagtitiisan nila ito alang-alang sa edukasyon ng mga anak. Sinisikap ni Myrna na kumita para makapagpadala sa anak niyang nasa Bulacan na magtatapos na sa hayskul. Samantalang si Edna na may anim na anak, nag-aalangan sa kanyang kolehiyo at nais munang tumigil para makabawas sa gastusin.
Kaya upang tuluyang makaalpas sa lusak na kapalaran, hindi lang kompensasyon ang kailangang resolbahin ng pamahalaan, kundi maging ang pagpapatatag sa nanlulumong industriya na bumubuhay sa kanila at maging sa buong bansa.
Salat na Palad
Buhat ng hindi pagkibo ng pamahalaan, itinatag ng mga manggagawang-bukid sa Balayan ang Alyansa ng Magsasaka para sa Kompensasyon (AMK). Katulong ang Sugarfolks' Unity for Genuine Agricultural Reform-Batangas (SUGAR), binitbit ng mga magsasaka at magtutubo mula sa taniman patungo sa tanggapan ng mga ahensya ang kanilang mga kahingian. At sa kabila ng kagipitan, kolektibo nilang tinustusan ang pagluwas patungong Maynila.
Hindi na bago sa kanila ang ganitong pakikitungo ng pamahalaan. Enero pa lamang kinakalampag na nila ang DA, SRA, at Department of Social Welfare and Development. Dahil walang tugon, bumalik sila noong Marso 28 para magpaabot ng petisyon tungkol sa bayad-pinsala ng mga nasalanta ng Bagyong Paeng at sa mga naapektuhan ng pagsasara ng kumpanya ng asukal na Central Azucarera Don Pedro Inc (CADPI). Pagbalik nila nitong Hunyo 11, ni hindi sila pinatuntong sa loob ng mga opisina at hinayaang mabasa ng ulan.
Ngunit matapos pagkibitan ng balikat nang ilang buwan, hindi pa rin nila narinig ang mga kahingiang nais matugunan.
Nagkumpol-kumpol sa gilid ang mga magsasaka at magtutubo upang pirmahan ang mga papel na may mga larawan ng pinsalang iniwan ng Bagyong Kristine, katibayan ng pagkakaisa nila sa kahingiang suporta. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Diin ni Fidel Libao, direktor ng DA CALABARZON, ang tanging mabibigyan lamang ng binhi at tulong ay ang mga rehistradong magsasaka na nasa Registry System for Basic Sectors in Agriculture. Ngunit walang saysay ito sa mga magsasaka tulad ni Edna na matagal nang walang lupa. Pinangangambahan nilang kahit rehistrado sila ayon sa depinisyon, hindi pa rin nila mapapasakamay ang benepisyo dahil mga may-ari ng lupa lamang ang mabibigyan.
Kinikuwestyon din ng mga magsasaka at magtutubo ang sistema ng Philippine Crop Insurance Corporation sa pamamahagi ng puhunan upang mabawi ang mga nagastos sa nasirang mga pananim, sapagkat ipinagkakaloob lamang ito sa mayroong 0.25–3 ektarya ng lupain. Kalakhan ng manggagawang-bukid, walang sariling lupa at hindi ganito kalawak ang tinatamnan gaya ng tagapagsalita ng AMK na si Ayrene Marasigan na mayroong 0.15 ektarya lamang. Samantalang hugas-kamay naman ang mga opisyales sa pangako ng SRA na anila hindi nila saklaw kahit nasa ilalim ito ng kagawaran.
Walang ibang iniuwi ang mga dumalong magtutubo at magsasaka kundi ang pananghaliang pinamigay ng DA. Bakas naman ang pagkadismaya ni Myrna sa ibinunga ng pagpupulong dahil aniya malaking bagay rin ang kompensasyon para makapagtanim at matustusan ang pangangailangan. Si Edna na bitbit pa ang bunsong anak, hindi na napigilang mapaluha. Nanganganib ngayon ang kanilang kabuhayan pagkat nahihirapan silang manatili sa sakahan dahil sa kalunos-lunos nitong estado, ani Edna.
Kasama ang kanyang anak, lakas-loob na tinanong ni Edna kay Libao kung makatatanggap ba siya ng mga benepisyo kahit hindi niya pagmamay-ari ang lupa. Ngunit ipinasa lamang ng direktor ang mikropono sa mga lokal na opisyales, dahilan para mapaupo na lamang si Edna. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
"Nasaan yung konsiderasyon nila para sa mga naghihirap, hindi lang sa maylupa. Nagbabayad din kami ng buwis kung tutuusin," dagdag niya.
Puhunan sa Pagbangon
Nananatili mang nakabuwal ang karaingan ng mga magsasaka at magtutubo, patuloy nilang ititindig ang kanilang panawagang suporta at pagpapahalaga mula sa pamahalaan upang makabangon sa hukay na iniwan ng unos at maging handa naman sa mga paparating. "Kung sila'y wala pa ring ma-ipresent sa aming magandang tugon, hindi rin kami titigil sa pangangalampag para mabigyan ng sapat na kompensasyon," ani Charlie Lopez, pangulo ng SUGAR-Batangas.
Matinding indikasyon ang pagsasawalang-bahalang ito sa kawalang-pagpapahalaga ng pamahalaan sa sektor, dahil maging sa Bicol, lumuluhod rin ang mga magsasaka sa parehong panawagan. Malaon na ring nagdurusa ang industriya dahil sa mga polisiyang nagkakait ng karapatan sa kanila gaya ng pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka sa Nasugbu, Batangas, gayundin ng pambabarat ng kita at militarisasyon gaya sa CADPI.
Patunay ito na binubuo ng bawat butil ng ulan, luha, pawis, at dugo ang mga produktong laman ng plato ng milyon-milyong Pilipino. Kaya para kina Edna, Myrna, at libo-libo pang magtutubo at magsasaka, patuloy nilang ipupunla ang pag-asa hanggang sa manumbalik ang masaganang tubuhan at sakahan—kahit sa kasalukuyan, natatanaw pa lamang nila ito sa kalayuan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Hunyo 2025.