Sumugod ang mga miyembro ng 56th Infantry Battalion, kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Talaingod, Davao del Norte, sa kinaroroonan ni Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay, ang nag-iisang babaeng datu ng mga Manobo, para paalisin ang lider mula sa kanilang lupang ninuno, Setyembre 18.
Sapilitang tinipon at pinapirma ang mga kaanak ni Bai Bibyaon ng isang dokumentong nagpapatunay ng kanilang pagpayag para paalisin ang datu sa lugar at isuko siya sa militar.
Mahalaga ang ginagampanang parte ni Bai Bibyaon sa kasaysayan ng kababaihan at ng mga katutubo. Sa pangunguna ni Bai Bibyaon at ng iba pang datu, matagumpay na napaalis ng mga katutubo ang kumpanyang Alcantara & Sons na nagtroso sa Pantaron Mountain Range mula 1994. Ngunit ang paglaban din nilang ito ang nagtutulak sa kanilang lugar na pamugaran ng mga militar.
“All over the country, peasant women and their families are being harassed, illegally arrested and detained, or executed in the name of the government’s anti-insurgency campaign,” ani Amihan National Federation of Peasant Women sa isang pahayag.
Bagaman napalayas ang mga magtotroso, napilitan pa rin kalaunan sina Bai Bibyaon na umalis sa kanilang lupang ninuno dahil sa pagdating ng mga minero at paramilitar na nagbanta sa kanilang mga buhay.
Taong 2017, sa pamamagitan ng isang caravan na tinawag na Manilakbayan, tumungo sa Maynila ang pinalayas na komunidad para ipahayag ang kanilang naging karanasan sa mga militar.
Nananawagan naman ngayon ang Amihan na protektahan ng munisipalidad ng Talaingod ang mga katutubo, sa halip na lalo pang ilagay sa peligro ang buhay ng mga Manobo sa kamay ng mga sundalo.
“Cooperating with the military is a betrayal of the people’s interests, especially the more vulnerable indigenous peoples whose ancestral lands and basic human rights are under attack. Often, these atrocities are perpetrated by the very soldiers that claim to protect them from so-called terrorists,” dagdag ng Amihan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng munisipyo ng Talaingod ang mga kaanak ni Bai Bibyaon, ayon sa ulat ng Save Our Schools Network. Wala pang anumang nakukuhang impormasyon hinggil sa kalagayan ng datu habang sinusulat ang balita. ●