Matagal nang namamasada sina Redendor Lugtu at si Marcial Ejan na bahagi ng KKJODA, isa sa dalawang Jeepney Operators and draybers Association (JODA), na pumapasada sa kahabaan ng Katipunan mula sa Aurora Boulevard hanggang UP Campus. Bagaman nakakabalik na sa onsite na trabaho ang mga tao sa Metro Manila, sa pagtaas ng presyo ng langis sa mga nakalipas na linggo, nahihirapan pa rin ang mga tsuper ng jeepney na mairaos ang araw-araw
Sa darating na halalan, nais nila Lugtu at Ejan na mabigyang pansin ng mga kandidato ang kanilang mga hinaing, at magpataw ng mga panukala na makakatulong sa kanila: ang pagtaas ng minimum fare at pagbasura ng jeepney phaseout.
*
Kulê: Ngayong tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at krudo, kumusta ang inyong pasada?
Lugtu: Mga tatlo o apat na beses lang kami nakabyahe, dahil nga pipila ulit kami, sa loob ng isang maghapon. Dahil sampuan yung jeep namin, kada byahe ay umabot lang ng P180 ang kita namin. Minsan, halos walang natitira sa amin, lalo na yung jeep ko, halos umaabot lang ng P100 kada ikot. Pero kailangan bumiyahe, kailangan kumita dahil wala kaming ibang source of income. Talagang pagtiyagaan hanggang may byahe kami. Humina din yung byahe namin dito dala ng pagsulpot ng mga bus na bumabyahe na rin. Dahil dito, mahigit kalahati ang nawalang mga pasahero namin.
Ejan: Malaki ang naging kabawasan dito sa kinikita namin gawa ng pagpasada ng mga bus. Yung dapat na pasahero namin, sumasakay na lang ng bus. Kasi doon sa kabila, yung ruta sa may Commonwealth yung Tandang Sora to UP, wala nang bumabyahe roon na jeep. Kaya yung ginagawa ng mga pasahero, sumasakay sila ng diretso pa-Tandang Sora, kahit dapat sa amin na yung mga pasahero na ‘yun.
Napakalaking bawas talaga ng dapat sana’y kikitain namin, lalo na tumaas pa yung presyo ng krudo. yung tatlong byahe namin kada araw, sa halip na makapag-uwi kami ng mga P300, ngayon ay mga P200 na lang. Mahirap kasi tumaas ang presyo ng krudo at nagkaroon pa kami ng kalaban.
Kulê: Mayroon bang tumutulong sa inyong JODA upang maaksyunan ang kahirapan ninyong mga tsuper?
Lugtu: Minsan may mga estudyante na pumupunta at tumutulong sa amin upang mag-protesta. Kaya lang, may magagawa ba tayo? May magagawa ba kami para matulungan kami ng gobyerno para itaas ang pamasahe? Kung itataas nga naman ito, maraming mahihirapan, e kaso mataas ang krudo e. Kahit piso man lang na dagdag sa pamasahe, malaking bagay sa amin ‘yun.
Yung mga opisyales ng JODA namin ang nakikipag-coordinate sa mga tumutulong daw sa amin para mapigilan ang pagbiyahe ng mga bus dito. Kaya lang, malakas ata ang kalaban. Hindi ata kayang tanggalin dahil tinangkilik na sila ng mga tao.
Kulê: Anong hinahanap niyo sa isang kandidato, lalo sa pagkapangulo?
Ejan: Ang sa akin, sana yung totoo siya. Sana maayos din niya yung korapsyon, para naman umayos ang pamumuhay ng mga Pilipino, at magkaroon ng panunungkulan na nasa ayos.
Para sa sektor ng transportasyon, lalo na saming mga tsuper ng jeep, wala pa silang mga panukala para sa amin. Ang hiling namin, no phaseout na, kawawa naman kami. Luma na ang mga jeep namin, dito na kami nabuhay simula’t sapul tapos mawawala pa sa amin. Saan na kami pupulutin? Matanda na kami, ito lang hanap-buhay namin, sana mayroong tumulong sa amin para hindi na kami i-phaseout.
Sana magawan ng paraan ng mga tumatakbo ngayong halalan para mapunan ang mga hinahanap ng LTFRB. Kung mausok man ang mga jeep, sana tulungan na lang kami ipaayos ang mga jeep namin. Gusto nila mag-phase out, e paano naman yung mga jeep ng iba naming kasama na bagong bili?
Lugtu: Sana nga hindi na matuloy ang pag-phaseout ng mga jeep, kasi kung sakali kawawa kami. Wala kaming ibang alam na hanapbuhay kung hindi magmaneho. Matanda na din kami, wala nang tatanggap sa amin na ibang trabaho. Yung mga pinapalit nila, galing China lang yun, walang tibay na maaasahan, hindi tatagal ‘yan.
Kulê: Sumasang-ayon ba kayo sa pagtaas ng minimum fare? Ano po sa tingin niyo ang dapat na maging hakbang para matugunan ang problema sa langis, o matulungan kayo?
Lugtu: Nauunawaan naman namin na mahal ngayon ang mga bilihin, kaya sana kahit piso lang ang ibigay sa amin na dagdag pasahe, kung maibibigay nila. Pero kung hindi naman kaya, kaya naman naming magtiis dahil matagal na kami nagtitiis. Alam naman namin na maraming pamilya na namamasahe, nahihirapan din sila. Kaya pag tinaas ang pamasahe, okay din naman sa amin kaya lang, mas maraming mahihirapan. Hindi pa rin naman tumataas ang sweldo ng mga tao.
Ejan: Ang tingin ko sa dagdag pamasahe, yung gobyerno na rin nakakaalam diyan. Matagal na rin gusto itaas dahil panay ang taas ng krudo, kaso mabagal ang proseso. Maraming asosasyon ng mga tsuper na nag-pupursige na itaas ang pamasahe, pero hanggang ngayon walang nangyayari. Kahit piso man lang, wala pa kaming nakukuha.
Kaya malaking tulong na may mga nakakaunawa, hindi nila kinukuha ang sukli. Hindi kami nanamantala ng pasahero para hindi ibalik sa kanila ang sukli, kaya binibigay talaga namin. Kaya pag ganun, nagpapasalamat na lang ako. Marami din ang nakakaunawa sa dinaranas naming hirap gawa na mataas ang presyo ng lahat.
Kulê: Ano ang mensahe o panawagan niyo sa mga tumatakbo bilang pangulo?
Ejan: Sana lang mapansin ng mga tumatakbo kaming maliliit na mga drayber. Dagdagan man lang sana ang pamasahe, para kahit paano, madagdagan ng kaunti ang aming kita.
Lugtu: Sana kahit sino man manalo sa kanilang mga tumatakbo ngayong eleksyon, sana yung mga gaya naming drayber ay mapansin nga, dahil mahirap talaga ang kita namin. Sana yung mga tumatakbo, maging patas sila at hindi lang iniisip ang pansarili lang nila. Sana kung sino man manalo ay pangkalahatan siya. Sana tutulong talaga siya sa tao, hindi yung mga pansariling kapakanan lang yung mga iniisip nung mga tumatakbo na ‘yan.
Kahit sino man manalo sa kanila, sana sincere siya na tumulong sa mga tao. Alam ko naman ang sitwasyon natin ay mahirap nang lunasan. Sana kung sino man manalo ay magsikap siya masolusyonan niya ang mga problema ng bansa natin. Sana ay maging malawak ang kanyang pag-iisip, at may puso sya. At unang-una, sana maka-Diyos siya. ●