Sa lahat ng nangyayaring masalimuot sa mundo, ordinaryong reaksyon ang gawing katatawanan ang maraming bagay. Mula sa pinakasimpleng pagkakamali hanggang sa mga politikal na ganap, halos lahat na ng pangyayari sa social media ay madaling gawing biro. Sa sobrang talamak na ng paggawa at pagpapakalat ng memes, hindi na bale kung may masasaktang tao sa pagpapatawa. Ang mahalaga, may mga taong napasaya at nais din magpasaya ng iba.
Marahil ngang mas nakakatawa ang dark humor or black comedy kaysa normal na mga biro. Napapagaan kasi nito ang karaniwang bigat na dala ng mga paksang karaniwang tinitingnan bilang taboo. Mas madali ring mapag-usapan ang malalagim na bagay sa pamamagitan ng pagpapatawa. Pero tulad ng maraming masayang bagay, may hangganan din ang pagpapatawa–lalo na kung may pinapahamak itong iba.
Nang maupo si Rodrigo Duterte bilang pangulo, naging normal gawing katatawanan ang pag-insulto sa iba’t ibang grupo ng tao at biktima ng karahasan. Pinasimulan niya mismo ito, siyang hindi sineseryoso at nararanasan ang hirap na dala ng pamumuno niya. Madalas mang ikatwiran ng mga opisyal na nagbibiro lamang ang presidente, nananatili ang totoo–walang nakakatawa sa ganitong pagpapatawa.
Masamang Biro
Memes ang takbuhan ng mamamayan sa tuwing magbubukas ng social media, sapagkat mas madali itong intindihin at mas magaang iproseso ang mga impormasyong nilalaman nito. Ang memes ay itinuturing na pinakamadaling daluyan ng mensahe dahil madali lamang itong gawin. Mula sa pagkuha ng mga retrato o bidyo ng mga sikat na personalidad at pangyayaring nagkalat sa Internet, umunlad na ang memes para makapagkabit ng komentaryo ang kung sinumang tao ayon sa anumang konteksto. Kaya habang tumatagal ang pag-ikot ng meme sa social media, lalo itong lumalayo sa orihinal nitong teksto, hanggang sa maaari na itong gamitin para kahit saan, at lamanin kahit anuman.
Para kay Richard Dawkins, kauna-unahang gumamit ng salitang meme noong 1976 sa kanyang librong The Selfish Gene, ang memes ay likhang-sining dahil may layon itong baguhin ang mga retrato at bidyong sumasangguni sa popular na kulturang umiiral sa isang lipunan. Sa bernakular ng sining, ang meme ay porma ng appropriation. Ngunit bilang humahango ito sa popular na pangyayari sa lipunan–maaliwalas man o marahas–may laya ang sinumang magbigay ng iba’t ibang pagpapakahulugan dito.
Buhat ng kaluwagan ng memes para maglaman ng kahit anong retorika, nagiging kasangkapan ito para magpaikot ng mapanganib na paniniwala at ideolohiya bukod pa sa pagpapatawa. Sa pinakamalawak na pagtingin, umiikot ang porma ng memes sa katuwaan, kaya kadalasang hindi ito sineseryoso ng mga kumokonsumo nito.
Sa hindi katagalan, ginamit na rin ng mamamayan ang memes bilang porma ng pakikipagpalitan ng pulitikal na ideya sa social media. Hindi kalauna’y naging parte na rin ang memes ng istratehiya sa pangangampanya ng mga politiko. Dahil nga ang memes ay natural na pinagsasaluhan ng madlang mayroong iisang paniniwala, nagiging tagahulma na ito ng politikal na opinyon at kamalayan ng isang indibidwal.
Hindi na Mabiro
Noong panahon ng eleksyon–mula nang mag-umpisa ang pangangampanya hanggang sa pagtapos ng botohan–naglipana sa social media ang dark humor ukol sa mga posibleng resulta ng halalan. Halimbawa na lang ang puspusang pagpapalitaw ng mga lumang retrato at bidyong naglalaman ng mga pangyayari noong Batas Militar. Mayroon ding pagpapakalat ng mga linyahang tulad ng “Share now, missing later,” “Share now, torture later,” “Share now, kulong later” na bitbit ang sabay na pananakot at pangungutya sa biktima na mga sapilitang pagkawala at tortyur.
Ang walang-ingat na pagbitaw ng mga ganitong biro ay hindi malayo sa mga salitang maririnig sa mga talumpati ni Duterte noong termino niya. Bara-bara siyang nag-uutos ng pagpatay, paghuli, o kahit pagtugis sa mga kritiko niya. Wala rin siyang takot mambastos ng mga kababaihan, propesyon, o kahit awtoridad na mas mataas sa kanya. Paano niya nga naman ito seseryosohin gayong biro lang sa kanya ang buhay at dignidad ng mamamayan.
Ngunit kahit anong pagpapawalang-bisa ng mga bantang ito, totoong may materyal na epekto ang mga pabirong pananakot na ito. Kitang kita ito sa daan-daang namatay, nawala, at naarestong magsasaka, organisador, estudyante at kahit sibilyan sa ilalim ng anim na taong paninilbihan niya.
Tunay na walang nakakatawa sa masasamang biro ni Duterte at kahit sinumang gumagamit ng dark humor bilang pagpapatawa. Ano pa mang pangangatwiran na para lamang sa katatawanan ang mga panunuksong ito, sinasalamin pa rin nito ang mapanghamak na perspektibang mayroon ang nagpapatawa sa mga kinukutya nitong grupo ng tao. Ayon kay Thomas Ford, mananaliksik sa ganitong tipo ng pagpapatawa, madalas gamitin ng mga tao ang dark humor para ilabas ang mga kinikimkim nilang panghuhusga na hindi nila mailalahad sa normal na sitwasyon.
Kaya rin madaling tanggapin ang dark humor, sa kabila ng malalim nitong implikasyon, dahil naitatago nila ang mapaminsalang pagtingin sa likod ng intensyong magpatawa. Ngunit sa lagay ng mundo ngayon, paano pa natin nagagawang tumawa kung mas nakakasakit ang biro kaysa nagpapasaya?
Huling Halakhak
Hindi nakatutulong ang mga ganitong klase ng biro sa mga kaanak ng mga desaparecido, bilanggong pulitikal, at mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng mga Marcos noong Batas Militas. Kaysa gawing katatawanan ang danas ng mga biktima, dapat tayong tumitindig kasama nila lalo pa’t ipinagkakait sa kanila ang hustisyang dapat nilang makamit. Lalo ngayong muli na namang nakabalik ang pamilyang Marcos sa Malacañang, na pangunahing salarin ng paghihirap at pangungulila ng marami.
Mabilis na lamang magbitaw ng matatalas na biro at mga insensitibong punchline na ikinukubli sa depinisyon ng dark memes dahil mayroon ding laya ang mamamayan na magtago ng kanilang identidad at mawalan ng pananagutan sa kapwa. Ayon sa behavioral scientist na si Peter McGraw ng University of Colorado, ang katatawanan, sa kalakhan, ay tiyak na nagmumula sa mga negatibong sitwasyon. Tinangka ng kampo ni McGraw na manaliksik upang gagapin kung bakit patok na patok ang karahasan bilang paksa ng biruan at tuksuhan.
Sa kanilang pananaliksik, nabuo ang benign-violation theory. Inilitaw ng teoryang ito na mas kinahihiligan ng mamamayan ang mga paksang may banta sa kanilang normal na perspektiba sa kung ano ang tama at mali, kaya mas pinagkakatuwaan ang mga pangyayaring may kinalaman sa pagtapak sa moral ng isang indibidwal. Kung hindi magiging matagumpay sa paglalatag at paggamit ng mga dark humor na ito, dalawa lamang ang maaaring kahinatnan ng biro: maging walang saysay ang mga ito sa madla, o maging opensibo sa mga nabiktima mismo ng karahasang ginagamit sa paksa ng katatawanan.
Sa kaso ng memes na umusbong mula nang manungkulan si Duterte, nanormalisa na ang paggamit sa karahasan bilang paksa ng mga ito. Hanggang nitong nakaraang halalan lamang, muling naglipana ang memes na walang pakundangang nilalangkapan ng lehitimong danas ng mga biktima ng mapang-abusong pamamahala ng yumaong diktador. Ito ay upang gawing katatawanan at tungkol sa sarili ang mga posibleng pangyayari tulad ng pagkawala’t panonortyur sa isang indibidwal na sumasalungat sa pagkapangulo at pagkabise-presidente nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.
Ang memes ay literal na alterasyon dapat ng popular na imahe, hindi ng impormasyon. Hindi rin nito dapat pinalalabnaw ang mga mabibigat na pangyayari sa lipunan at gawing paksa ng katuwaan. Magandang isipin kung ang huling halakhak ay nasa biktima, ngunit hanggang nananatiling insensitibo ang ilan sa realidad na may hangganan ang pagpapatawa, mananatiling katatawanan ang materyal na karahasan at kahirapan na nararanasan ng karamihan. ●