Ni WARREN RAGASA
Hinawi ng kamay ko ang dose-dosenang rolyo ng gift wrapper na naka-display sa harapan ng tindahan sa may palengke. Namimili ako ng pambalot ng regalo dahil ngayong Pasko, gusto kong bumawi sa tatay ko.
Tatlong buwan rin akong halos mapurga sa Pancit Canton dahil sa pagtitipid ng baon para makaipon at maibili si Tatay ng maliit na regalo: isang bagong bag na magagamit niya sa trabaho, lalagyan ng damit o iba pang abubot na kailangan niyang laging dalhin. Drayber ng delivery truck ang tatay ko para sa isang kumpanya. Madalas, tuwing Sabado o Linggo lang siya umuuwi sa bahay, at doon lang kami nagkikita.
Pagkaminsan pa nga, hindi pa niya ako daratnan dahil maaaring rumaraket ako ng pandagdag sa baon o bumabalik-balik sa library sa UP para makalibre ng Wi-Fi at makagawa ng papers at plates.
Kung saan-saan na napadpad ang tatay ko dahil sa trabaho niya: Ilocos Norte, Quezon Province, Aurora, Zambales, at iba pa. Sa lahat ng iyon, bitbit niya (o dala sa likod ng trak) ang bag na pinaglumaan ng isa kong batang kapatid—may tatlong tagpi sa harapang bulsa at halos apat na hibla na lang ng sinulid ang nagdudugtong sa tangkay sa likod. Grade 3 pa ang kapatid kong si Angelo nang huli niyang gamitin ‘yun. Senior high school na siya ngayon.
Sabi ni Tatay, ayos lang daw na lumang-luma na ang mga ginagamit niya, basta mapagtitiyagaan pa, lalo at wala rin namang ipapalit. Ganito niya kami pinalaki, at ganito rin namin nauunawaan ang kalagayan namin sa buhay. Madalang kaming tumanggap ng mga regalo kahit na bertdey pa namin o kahit pa Pasko.
Sa totoo lang, hindi rin naman ako naniniwalang ang diwa ng Pasko ay pagsasama-sama ng mag-anak para magpalitan ng mga regalo. Walang ganu’n para sa libu-libong pamilyang naghihikahos sa buhay at nananatiling isang-kahig-isang-tuka. Wala kaming ganu’n.
Ang binili kong regalo ay hindi kapalit ng araw-araw na pagtatrabaho ng tatay ko. Hindi matutumbasan ng kahit anong halaga ang sakripisyo niyang tiisin ang hirap ng buong araw na ngawit ng braso sa pagmamaneho. Dagdag pasakit at alalahanin pa sa puso ang isang buong linggong malayo sa pamilya.
Gusto ko talagang ibili ng bagong bag ang tatay ko para may magamit siyang mas maayos. Maliit at sirang-sira na ang ginagamit niyang bag. Hindi nga niya minsan mapagkasya ang lukot na maruming damit niyang nakalagay na ang iba sa plastic bag. Itong binili ko, maluwag-luwag ang loob at mas maraming space na paglalagyan ng mga gamit ni Tatay. Tapos, may dalawang bulsa sa gilid na pwedeng lagyan ng bote ng tubig o kaya naman ng payong. May secret pocket din siya sa loob na pwede namang lagyan ng pitaka o cellphone.
Itinigil ko ang pagpili ng gift wrapper at nagpasyang huwag ko nang ibalot ito. Sayang din kasi ang P10 para sa wrapper at tape.
Hindi ko na rin hihintayin pa ang pasko para ibigay ang regalo ko. Sa Linggo, uuwi na sa bahay ang tatay ko. Mag-aabang na lang itong bag sa aparador niya, tapos, magugulat siya pagbukas niya. Magustuhan kaya niya? Sana. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-14 ng Disyembre 2017, gamit ang pamagat na “Surpresa.”