“Cut!”
Nang sabihin ng direktor ang katagang hinihintay ng crew, nakahinga na nang maluwag si Jay. Isa na namang produktibong araw ang narating niya sa kanyang trabaho. Noon, hinihiling niya lang ito. Pero ngayon, tuloy-tuloy na ang kanyang pagla-live report.
“Uy Jay, ikaw ulit ang mag-report sa Navotas bukas ah,” saad ng kanyang senior officer na noon lang ay halos ipagkait na sa kanya ang lahat ng oportunidad sa pag-cover kahit libre naman siya at may naisulat na siyang report. Hindi raw kasi akma ang suot niyang maroon na dress kahit disente at malinis namang tingnan. Ngayon, kahit anong kulay pa yan, hindi na importante. Ang mahalaga, pinipili na siya dahil sa kakayahan niya. Nakikita na nila na sa simula pa lang, kaya naman niya talaga.
“Ay mars, forda gow lang naman ako palagi, alam mo yarn!” maligayang sambit niya habang naggagayak pauwi. Kailangang maaga sa Navotas bukas kaya kailangan niya nang magpahinga. Ngunit iba ang naiisip ng mga katrabaho niya nang ayain nila si Jay tumambay sa malapit na karaoke bar.
“Acclaa! Nabasa mo ba yung group chat? Sama ka na para makapag-relax naman tayo hindi yung puro werk werk lang,” pagtatampo ng mga katrabaho niyang noon ay hindi niya inakalang kakaibiganin siya. Lipas na sa kasaysayan ang mga panahong walang nag-aanyaya sa kanya kumain o di kaya’y walang nagkukusang mag-add sa kanya sa mga group chat. Updated na siya at walang nakakaligtaang announcements at importanteng meetings.
“Mga bhie, hindi talaga ako G for today’s videyeow. Need ko ang aking beauty rest para gow gow na ulit bukas,” pagpapaliwanag ni Jay sa mga nagtatampong kaibigan habang naghahandang umalis. Maiintindihan naman nila yan, walang pag-aalinlanlangang pag-iisip ni Jay na ibang-ibang sa pag-o-overthink niya noon para hindi siya itakwil ng mga nagiging kaibigan niya.
Bagaman pagod na ang lahat sa mga huling minuto ng trabaho, bongga pa rin ang pagrampa ni Jay papaalis. Wala na ang mga pangambang iirapan siya o may mga maninitsit habang siya’y naglalakad. Hindi na kailangan mangliit sa sarili kahit naka-six-inch heels dahil wala nang mangmamata. Maayos na ang pakikitungo sa kanya. Bakit hindi, eh tao rin naman siya?
Bubuksan na dapat ni Jay ang pinto papalabas sa opisina nang biglang siyang salubungin ni Kevin, limang taong kasintahan niya.
“Surprise! Happy Valentines, Love!” malakas na bati ni Kevin sa kanya. Naghiyawan ang lahat ng kasamahan ni Jay sa trabaho. Sa kabila ng puro “uy” at “sanaol,” tanging si Kevin lang sa harap ni Jay ang kanyang nakikita.
“Naks, boyfriend mo?” nasasabik na tanong ng direktor na mukhang gusto ring alamin ng karamihan.
“Oo.” Boyfriend. Hindi kaibigan, hindi kapatid. Taong mahal niya at nagmamahal sa kanya.
Hindi niya na kailangan pang magdalawang isip tuwing ipapakilala si Kevin. Wala nang kalakip na panganib ang paghahayag sa totoong siya at sa kung sino ang minamahal niya. May batas na na nangangalaga sa mga tulad niyang ilang dekadang inapi at pinagkaitan ng pangunahing karapatang pantao. Pagkatapos ng ilang taong pagtitiis sa dilim, sigurado na siyang walang mali sa kanya.
“Tara na?” mahinhin na tanong ni Kevin sa kanya. Ramdam niyang may inihandang date ang jowa niya kaya dali-dali na siyang sumunod dito.
“Ay teka may nakalimutan ka ata,” biglang sambit ni Kevin na nag-akmang bumalik sa desk ng kasintahan. Nagtatakang lumingon si Jay sa kanya nang salubungin ni Kevin ng halik ang mga labi nito.
Hiyawan at kilig ang bumalot sa loob at labas ng opisina. Posible palang tumuntong sa langit habang nasa lupa, sa isip ni Jay. May saysay pala lahat ng sakripisyo’t paglalaban para sa SOGIE Equality Bill sa kabila ng lahat na nagpigil. Sa lipunan nila Jay at Kevin, walang kasariang nakaaangat, hindi lang para sa mga babae’t lalaking magkasintahan ang araw ng mga puso—para na ito sa lahat. Posible pala ang mundong mapagpalaya. ●