Ang lumalalang pang-ekonomiyang kondisyon sa bansa noong dekada 60 hanggang 70, gaya ng pagtaas ng presyo ng langis, ang mitsa ng magkakasunod at malawakang pagkilos noong Sigwa ng Unang Kuwarto. Silang mga drayber na unang nasagasaan ng krisis panlipunan noon ay sila ring nanguna sa hanay ng iba’t ibang sektor para magprotesta. Itong diwang mapanlaban ng mga tsuper ang siya ring naging puwersa para kaisahin ang mga mag-aaral at itayo ang barikada ng Diliman noong 1971.
Limang dekada na ang nakalipas ngunit patuloy pa rin silang nagigitgit at natutulak sa hikahos na kalagayan. Nawala ang kanilang kita dahil sa mahigpit na lockdown na ipinatupad ng gobyerno, nagbabadya na rin ang tuluyan nilang pagkawala sa mga kalsada dahil sa napipintong pagtatanggal ng mga lumang dyipni kabahagi ng jeepney modernization program. Sa unti-unting pagkawala ng kanilang espasyo’t kabuhayan, wala nang ibang rekurso kundi ang makibaka.
Kinapanayam ng Collegian si Nolan Grulla, drayber ng rutang UP-SM North, at tagapagsalita ng UP Transport Group, para hingin ang kanyang saloobin hinggil sa mga aral ng Diliman Commune, at kung paano nila ito bibitbitin, kasama ng mga kabataan, upang itulak ang kasalukuyan nilang laban patungong tagumpay.
May ilang bahagi ng pahayag ang binago at pinaiksi para sa kalinawan ng panayam.
*
Anong isyu ang pinaka-tinututukan ninyong mga jeepney driver sa kasalukuyan at ano ang paninindigan niyo hinggil dito?
Pinakasapul talaga sa’min una yung kakulangan ng ayuda ng gobyerno matapos na mawalan kami ng hanapbuhay at syempre, yung jeepney phaseout. E, kasi naman, nagkaroon nga kami ng biyahe, kita mo naman yung ginawa ng gobyerno, ilan lang kaming nakabalik sa pagpasada. Kasi nga yung ibang operator ay hindi makapagpagawa ng sarili nilang sasakyan dahil natatakot na, by March, papalitan din ng bago gawa nitong jeepney phaseout ng LTFRB.
Ten months nang hindi nakakabyahe ang mga jeep at kailangan na talagang ipagawa. Kapag ipinaayos mo yan, automatic bibili ka ng baterya. Isang baterya ay nagkakahalaga ng P3,500. Ang kailangan namin ay dalawa kaya P7,000 lahat. Bibili ka pa ng bagong gulong kasi naka-stack yan at wala sa kondisyon, uubos ka talaga ng P20,000.
Kita mo naman yung capacity ng jeep na kalahati lang halos dahil sa social distancing. Kakayanin kaya yun na mula January hanggang March na makaipon kami ng pera para makabili ng bago at mas maayos na unit? E, hindi pa nga sapat yan pang-gasolina namin araw-araw, paano pa yung boundary pati yung iuuwi namin sa mga pamilya namin?
Saan namin pupulutin yung ganung kalaking halaga kung yung inaasahan naming kabuhayan ay hindi nakapasada sa matagal na panahon? Umaasa na nga lang kami sa tulong ng ibang mga tao katulad nitong mga estudyante na malaking pasalamat namin ay tumulong sa’min para magkaroon kami ng kakainin kahit papaano.
Kaya kailangan talaga naming lumaban. Dahil kung hindi kami lalaban, talagang ipapatigil ng gobyerno yung byahe namin. Kaya kahit wala kaming kita, tuloy-tuloy yung laban, ititindig namin ang karapatan ng mga drayber para makapasada.
Ngayong kakaunti na lamang ang panahon na mayroon ang mga drayber bago i-phase out ang mga lumang jeep, hanggang saan ninyo kayang dalhin ang inyong paglaban para lang makapagpatuloy sa pagpapasada?
Hanggang hindi kami nakakabyahe nang maganda, matiwasay, na kumikita kami katulad ng dati, ipaglalaban namin yung paninindigan namin na makapagpatuloy yung mga jeep sa lansangan. Kung ganyan na kukuha ka ng sinasabi nilang modern jeep, P2.5 million ang kinakailangan, na alam mong ang isang operator ay hinding-hindi niya mahahawakan nang buo kahit kailan.
Kung ang gusto nila ay ibaon kami sa utang habang-buhay, wala kaming ibang pagpipilian kundi yung ipaglaban din yung aming karapatan hanggang kamatayan.
Ano ang mga aral ng Diliman Commune na para sa inyong mga jeepney driver ay mahalagang ibahagi ngayong muling kumakaharap ang mamamayan sa mga isyung maihahalintulad sa panahong iyon?
Katulad niyong mga estudyante ng UP na nakikisama mula una hanggang sa huli ng aming pakikibaka at pakikipaglaban para sa karapatan sa pagpasada, ang kinakailangan ay lalo pang paramihin yung kabataang tumutulong sa laban natin. Napakaraming nag-aaral sa UP, kasama pa dyan yung mga nagtatrabaho pati yung mga alumni. Kapag nagsama-sama tayo, makakagawa talaga tayo ng ingay para marinig tayo ng gobyerno.
Kami ang naging sakayan niyo, at sinuguro naming sa mahabang panahon ay wala kayong magiging problema sa araw-araw na pamamasahe. Kaya ang hinihingi naman namin sa inyo ngayon ay magtulungan tayo sa laban. ●
Unang nalimbag ang panayam na ito noong ika-5 ng Pebrero 2021.