Mapaglaro ang sayaw ng mga bisig ng apoy. Sa bawat paglakas ng liyab, akmang inaabot ang lahat ng dinapuan ng kislap nito. Para kay Kali, ang bidang karakter sa dulang “Ardór,” ang pag-abante ng rebolusyon ay makakamit sa pagliyab ng mundo hanggang sa ito’y maging abo.
Pagkahumaling sa galit at pananalasa ang sinubukang laruin ng mga apoy sa “Ardór,” dulang ganap ang haba at nagsisilbing pambungad na pagtatanghal sa ika-45 theater season ng Tanghalang Ateneo. Sa panulat at direksyon ni Guelan Varela-Luarca, ipinasilip ng produksyon ang pagdalumat ng “Ardór” sa kalalagyan ng Pilipinas sa hinaharap—mala-dystopian na syudad, walang kaayusan, at nasa kalagitnaan ng pagpapataob sa magulong estado ng lipunan.
Umiikot ang dula sa nagtutunggaling pananaw sa rebolusyon ng mga aktibistang sina Astrid, sa pagganap nina Jam Binay at Camille Banawa, Z, sa pagganap nina Zoë de Ocampo at Yani Lopez, at Kali, sa pagganap nina Teia Contreras at Cholo Ledesma. Inihango ng manunulat ang dula sa panahong matindig ang hinagpis at galit na naranasan ng mamamayan noong unang taon ng pandemya.
Sa dula, mahahanap ni Z, isang estudyanteng aktibista, ang sarili sa gitna ng ligalig. Matatali siya sa kalagitnaan ng tunggalian kung saan may malaking parte ang iniibig niyang si Astrid, at ang nakababatang pinsan nitong si Kali, ang namumuno sa paglunsad ng insureksyon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Sa bawat pagsara at pagbukas ng ilaw, ramdam ng manonood ang paggalaw ng buong entablado buhat ng mga padyak at sigaw ng mga aktor sa gitna ng labanan. Nais isulong ni Kali ang ganap na pagwasak ng mundo hanggang sa abo na lang ang matira rito–isang maling pagtingin tungkol sa rebolusyon na madalas sinasabi sa kalakhan. Habang ang resolusyon sa kapayapaan, para kay Astrid, ay muling makipagkasundo sa gobyernong mapang-abuso sa mga mamamayan.
Ito ang naging paraan ng dula sa pagpapakita ng mukha ng aktibismo sa gitna ng rebolusyon: ang bulag na pagsugod dala ng galit, ang tanging pagkawasak ng mundo nang walang layunin o tunguhin. Mga maling pagtingin tungkol sa rebolusyon na madalas sinasabi sa kalakhan ng mga taong takot sa pagbabago.
Taliwas ang isinisiwalat na mukha ng aktibismo ng dula sa tunay na buhay pagkilos at asam na pagbabago ng pambansang kilusan. Sa depiksyon ng mga karakter ng dula, bigong ipinakita ng pagtatanghal ang mabigat na sakripisyo at tunay na danas ng isang aktibista alang-alang sa prinsipyado nitong tindig: ang tumunggali sa bawat kontradiksyon, sumailalim sa pagbabanibagong-hubog, at ialay ang sarili para sa bayan.
“Walang batas, walang ideolohiya,” ani Kali sa dula. Sa pagkawasak ng mundong kanyang isinusulong, walang layunin ang karakter na magbigay resolusyon sa lungsod na kanyang gugunawin. Walang balangkas para sa prinsipyadong paggabay sa makabagong lipunan. Hanggang sa pagtatapos ng kwento, kung saan tangan na ni Z ang pangunguna sa insureksyon, nanatiling mapangwasak ang naratibo.
Walang resolusyong inihain ang “Ardór” sa nagdarahop na lipunang lulan ng dula. Gayundin, ang kawalan ng suri ng dula sa pagkilala at pagbibigay representasyon sa panig na pinagsisilbihan ng mga aktibista: ang mamamayan at lipunang Pilipino. Bagaman mahalagang kilalanin ang pagtatangka nito, ngunit pumalya ang “Ardór” sa pagpapakita kung paano nananatiling buhay ang diwa ng aktibismo sa kabila ng kaliwa’t kanang pambubusabos ng estado.
Matagal ang daan tungo sa pambansa at demokratikong pagbabagong isinusulong ng mga pambansang kilusan sa kasalukuyan. Ngunit nananatili itong buhay dahil sa mahigpit at determinasyon nito sa organisadong pagkilos. Hindi lamang makikita sa mga protesta sa lansangan ang mukha ng diwa ng aktibismo—masisipat ito sa masikhay nating pag-aaral sa lipunan, kolektibo at konkretong pagbuo ng mga kampanya na magsusulong sa pagpapalaya ng mamamayan mula sa lipunang hindi nalalayo sa mundong katha ng dula.
Bagaman ninais bigyang puwang ng dula ang hinaing ng kabataan sa lipunang mapagmalabis, bigo ang pagbibigay representasyon nito sa dantaong paglaban ng aktibismo. Hindi ang ganap na pagkawasak at pagkasawi ang tinutungo ng pag-aklas natin laban sa pangmamalupit. Bagkus, sa kaibuturan ng ating puspusang pagkilos, ang pagnanais para sa mapagpalayang lipunan.
Sa panahong binubusalan ang sinumang namamataang kritikal sa lipunang ginagalawan natin, mas lalong kinakailangan ang pagtalima sa kritikal na pagsusuri at paglikha ng sining. Bilang panangga sa maling pananaw na isinusulong ng estado sa aktibismo, marapat nating pinapalakas ang naratibo ng bawat sektor sa lipunan, ang pagbuo ng sining na nagbibigay diin sa kolektibong paglaban.
Kaiba sa mapanirang katangian ng apoy na isinadula ng “Ardór,” may kakayahang lumagablab ang mapagpalayang paglikha ng sining. Diwa ng paglikha na nag-uudyok sa ating labanan ang panahon ng taglamig, ang nakakapagpabuhay ng maalab na damdamin para sa pagbabago. ●
Ipapalabas ang Ardór hanggang ika-16 ng Setyembre sa Rizal Mini Theater, Ateneo de Manila University.