Patuloy na nananawagan ang iba-ibang grupo ng mga manggagawa para sa makataong kondisyong pantrabaho sa bansa, kasunod ng inilapag nilang labor agenda sa isang press conference noong Abril 24 para sa nalalapit na national midterm elections.
Kabilang sa naturang labor agenda ang panawagan para sa dagdag-sahod ng mga manggagawa, kanilang regularisasyon sa trabaho, pagkilala sa karapatan ng mga unyon, pagbibigay ng dekalidad na serbisyong publiko, at pagbababa ng buwis sa mga manggagawa.
Una nilang ipinunto na taasan ang minimum wage sa P1,200 kada araw para sa mga pribadong sektor at P33,000 kada buwan para sa mga pampublikong sektor mula sa kasalukuyang humigit-kumulang P470 lamang para sa buong bansa.
Nananawagan din ang labor groups na pirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ngayong nakatenggang P200 across-the-board wage hike bill sa House of Representatives upang mailahad na ito sa pangatlong pagbasa at maiangat sa desisyon ng bicameral committee.
Kaugnay nito, hindi pa rin sapat ang naturang halagang P470 upang pumantay sa minimum living wage sa bansa na umaabot sa halagang P1,225 para sa limang katao kada pamilya, batay sa datos ng economic research group na IBON Foundation noong Marso.
“Lagi namomroblema [ang mga manggagawa] buwan-buwan, saan kukuha ng panrenta sa bahay at kung mapuputulan ng tubig at kuryente,” daing ni Jerome Adonis, Kilusang Mayo Uno secretary-general at Makabayan senatorial candidate, kaugnay sa mababang sahod.
Layon din ng labor groups na tuluyan nang buwagin ang regional minimum wage rates at magkaroon ng pantay-pantay na income rates sa buong bansa.
Hiling din nilang itigil na ang patuloy na kontraktwalisasyon na nararanasan ng mga manggagawa, kung saan laging pansamantalang trabaho lamang ang kanilang nakukuha mula sa mga pribado at pampublikong sektor sa bansa.
Dehado rito ang mga manggagawa dahil nasa kamay ng mga pribadong kumpanya o ahensya ng gobyerno ang ibibigay nilang halaga ng sweldo na maaaring liitan upang mas lumaki ang kitang pumapasok kaysa sa gastusing kanilang inilalabas, batay sa pagsusuri ng UP Law Center.
“Dapat pigilan na natin yang mga temporary contract na yan sa isang posisyong permanente ang trabaho. Maraming pangalan yang temporary contract na yan. Tinatawag yan na mga job order, casual, o contractual service,” saad ng labor leader at senatorial candidate na si Luke Espiritu.
Isa pa sa mga ipinuntong suliranin sa pamahalaan ang patuloy na pagtaas ng buwis sa kabila ng hindi abot-kayang serbisyong pangkalusugan at kakulangan ng badyet na nakalaan para sa edukasyon.
Sinusulong ng mga progresibong grupo na pababain ang kasalukuyang income tax at ipatupad ang wealth tax para sa pinakamayayamang tao sa bansa.
Pinapanawagan din nilang tanggalin ang mga excess tax, value-added tax, at expanded value-added tax mula sa mga pangunahing bilihin na dagdag pasanin sa mga manggagawa.
Kabilang pa sa ibang tinalakay na isyu sa naturang labor agenda ang pagpapatupad ng climate action, pagsisiguro ng kawalan ng diskriminasyon sa kasarian pagdating sa trabaho, at pagtutol sa political dynasties sa bansa.
“Dahil nagbubuwis tayo, responsibilidad at tungkulin ng pamahalaang gamitin ito upang ibalik sa atin ang mga batayang serbisyong panlipunan na kailangan natin para mabuhay nang maayos,” ayon kay Mimi Doringo, secretary-general ng Kadamay at senatorial candidate ng Makabayan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-1 ng Mayo 2025.