Habang suot ang kulay lilang terno, ipinamalas ni Belle Navarro ang kanyang natatanging husay bilang BINI Mini Stacy sa tanghalan ng Pilipinas Got Talent. Nang tanungin siya ng isang hurado kung sino ang kasama niya, saglit na natahimik ang paligid. At sa harap ng milyong manonood, buong tapang niyang ipinakilala ang kanyang dalawang tatay: sina Axel Suarez at Joenas Navarro.
Sa harap ng kamera, tila puro papuri ang sumalubong sa kanila. Bagaman masaya at puspos ng pagmamahal ang kanilang pamilya, kinakahon pa rin sila ng lipunang pinagkakaitan sila ng ligal na pagkilalang matagal na nilang inaasam.
Sa Likod ng Pagkakabuklod
Mag-iisang dekada na mula nang unang nagtagpo ang dalawa sa isang mall sa Zambales. Abala noon sa pagbebenta si Joenas ng mga surfing apparel, habang naengganyo namang bumili sa kanya si Axel. Matapos ang kanilang iglap na pagtatagpo, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Joenas at agad na tinext si Axel.
Dahil sa isang simpleng mensahe, tumagal sila ng ilang taon, hanggang nagpasya silang bumuo ng sariling pamilya noong 2018. Sa panahong iyon, ipinagkatiwala kay Axel ng kanyang kapatid ang isang sanggol na walang pag-aalinlangang itinuring nilang sariling anak.
Hindi naging madali ang pagpapalaki kay Belle dahil nangangapa pa ang dalawa noon sa pagiging magulang. Sa mga pagkakataong hindi nila alam ang gagawin, nariyan ang ina ni Joenas upang umagapay. Unti-unti rin nilang natutuhang kargahin nang tama ang kanilang anak, palitan ang kanyang lampin, at tumugon sa bawat iyak.
Mula sa mga gabing puno ng hikbi at pangangapa, lumaking bibong bata si Belle, na ngayon ay anim na taong gulang na. Nakabibinging palakpakan ang laging sumasalubong sa kanya sa harap ng entablado. Bidang-bida ang kanyang indak sa bawat tanghalan na sinasalihan. Sa likod ng kurtina, may dalawang pares ng matang laging nakasubaybay sa kanya—hindi lang pawang tagahanga, kundi kanyang mga tatay.
Ngunit hindi sa entablado nagtatapos ang kanilang pagiging magulang. Madalas wala si Joenas sa kanilang tahanan para kumayod. Dahil chemist si Joenas, nagtaguyod sila ng negosyo sa skincare na hinango sa pangalan ni Belle. Kahit pagod, hindi niya nakalilimutang iparamdam ang pagmamahal sa paraang alam niya: ang pagluluto. Buo ang araw ni Belle kapag natikman niya ang sopas at pancake na gawa ng kanyang Daddy Joenas. Samantala, araw-araw niyang kasama at nakakalaro ang kanyang Pap Axel na work-from-home ang moda ng trabaho.
Puno man ang iskedyul ng dalawang ama, lagi pa rin silang may oras para mag-bonding. Wala mang okasyon, sinisiguro nilang nakakalabas sila kahit isang beses bawat linggo. “Gusto kasi namin iparanas sa kanya yung mga bagay na hindi naman namin naranasan dati nung mga bata kami,” ani Joenas.
Bagaman hindi karaniwan sa mata ng lipunan ang pagkakaroon ng dalawang ama, taas-noo silang ipinagmamalaki ng kanilang munting prinsesa.
“I feel so happy with my two loving fathers,” ani Belle matapos ang kanyang pagtatanghal sa Pilipinas Got Talent.
Pangambang Laging Nakaabang
Buo at masaya man ang pamilya nina Axel at Joenas, hindi nawawala ang pangambang bumabalot sa kanila. Kahit ilang taon na silang naninirahan sa iisang bubong, hindi kinikilala ng batas ang kanilang pagsasama. Dahil si Joenas lang ang kinikilalang ligal na magulang ni Belle, walang karapatan si Axel magdesisyon sa oras ng panganib.
Wala ring ligal na kakayahang gumawa ng desisyon para sa isa’t isa sina Axel at Joenas sa mga sitwasyon ng medikal na pangangailangan. Dagdag pa, wala silang conjugal rights, kaya’t kahit pareho silang nagpundar ng mga ari-arian, hindi ito kinikilala ng batas bilang pagmamay-ari nilang dalawa.
“Napaka-unfair nun para sa amin na pareho naming pinaghirapan yung isang bagay, then kapag dumating yung time, walang karapatan yung isa [pagmay-arian],” ani Joenas.
Ito rin ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang panawagan nila para sa pagpasa ng Sexual Orientation or Gender Identity or Expression (SOGIE) Equality Bill. Layunin nitong tiyaking pantay ang karapatan ng lahat na mamuhay nang may dignidad at proteksyon, anuman ang kanilang kasarian.
Ayon sa Commission on Human Rights, kahit pa itinuturing na pinaka-LGBTQIA+ friendly na bansa sa buong Asya ang Pilipinas, malayo pa ang Pilipinas sa tunay na pagtanggap.
Araw-araw, nakaririnig pa rin ng mga mapanirang bansag ang mga LGBTQ+ na mag-aaral, ayon sa Commission on Human Rights. Sa trabaho, 30% ng LGBTQ+ na manggagawa ang nakararanas ng diskriminasyon, batay sa pananaliksik ng United Nations Development Programme at International Labour Organization. Hanggang ngayon, hirap pa ring tugunan ang mga kaso ng diskriminasyon dahil tatlo lang sa bawat sampung Pilipino ang naninirahan sa mga lugar na may ordinansang nagbabawal dito.
Bagaman hindi pa direktang nakararanas ng ganitong diskriminasyon ang pareho, ang kawalan ng sapat na proteksyon ay nangangahulugan ng patuloy na pangamba sa hinaharap.
Landas ng Laban
Sa kabila ng kawalang katiyakan, hindi kailanman nawala ang pag-asa nina Joenas at Axel. Patuloy nilang pinipiling mangarap para kay Belle at sa mga pamilyang tulad nila.
“Hindi kinikilala ng batas kung ano yung nabuo namin na pamilya,” ani Joenas. “Pero sana, sooner or later, bigyan ng chance yung mga katulad namin na bumubuo ng pamilya na magkaroon ng normal na pamilya, na magkaroon ng pagkilala.”
Halos tatlong dekada na rin ang lumipas simula noong isulong ang SOGIE Equality Bill at iba pang panukalang batas na may kinalaman sa pantay na karapatan. Sa ilang lungsod gaya ng Quezon City at San Juan City, ipinapatupad na ang inisyatibang gaya ng Right to Care Card–isang dokumentong nagbibigay ng ligal na pahintulot sa LGBTQ+ partners na makapagdesisyon para sa isa’t isa sa oras ng medikal na pangangailangan.
Kahit umiiral na ang ilang lokal na inisyatiba, nananatiling limitado ang saklaw nito. Kaya patuloy ang pagtulak ng mga LGBTQ+ na grupo at human rights organizations para sa pagpasa ng SOGIE Equality Bill at iba pang batas na magbibigay ng pantay na karapatan sa mga pamilyang LGBTQ+. “Kahit civil union lang na makilala ng batas na mag-partner kami, 10 years na kami, sana may karapatan na kami sa isa't isa,” ani ni Joenas.
Para kay Belle, walang mali sa pagkakaroon ng dalawang tatay. Basta ang alam niya, gigising siya sa amoy ng paborito niyang almusal na niluto ni Daddy Joenas, makikipaglaro siya kay Pap Axel, at magmamahalan sila araw-araw. Sama-sama silang kumakawala sa kahong hinubog ng tradisyon, gagap na ang tunay na pamilya ay umiibig nang walang limitasyon. ●