Bago pa man magpasa ng aplikasyon ang mga naghahanap ng trabaho, may nakahanda nang pamantayan ang mga kumpanya sa tatanggapin nila. Madalas, kasama rito ang pagiging cisheterosexual, o kaya naman iyong walang espesyal na pangangailangan—ito kasi ang “normal” para sa nakararami.
Umpisa pa lamang, nasasala na ang LGBTQIA+ at persons with disabilities (PWDs) sa iba-ibang espasyo. Doble ang diskriminasyong nararanasan ng PWDs na bahagi rin ng LGBTQIA+ community dahil parehong kinukuwestiyon ang kanilang kakayahan at katauhan.
Buhat ng ganitong inhustisya, natutulak silang bagtasin ang mga hakbangin tungo sa layuning matamasa ang pantay na karapatan. Sa pamamagitan ng kanilang senyas na Beki Sign Language, patuloy na lumalaban ang Deaf LGBTQIA+ community upang magtaguyod ng inklusibong lipunan.
Dobleng Dagok
Tulad ng nakararami, hangad ng PWDs ang oportunidad na makapagtrabaho batay sa kanilang kakayahan. Bukod sa nasusuportahan ang pangangailangan, ibinibigay nito sa kanila ang pagkakataong aktibong makalahok sa lipunan nang patas. Ngunit noong 2022, tinatayang 17.9% lamang ng PWDs na nasa wastong edad upang magtrabaho ang bahagi ng workforce ng bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Mandato ng Republic Act 7277 o Magna Carta for Disabled Persons na magkaroon ng pantay na pagkilala at proteksyon sa karapatan ang PWDs. Ngunit sa kabila nito, marami pa ring balakid sa kanilang paglahok sa trabaho buhat ng mababang pagtingin sa kanilang kakayahan.
Isa na rito ang mga Deaf na bahagi rin ng LGBTQIA+ na doble ang dagok dahil kinukuwestiyon maging ang kanilang pagkakakilanlan. Sa interbyu pa lamang, may pag-aalinlangan agad sa kanila dahil maaari daw magkaroon ng suliranin sa komunikasyon gayong puro heterosekswal at nakaririnig ang kalakhan ng empleyado, ayon sa pag-aaral ni Jan Celebrado sa Review of Women’s Studies noong 2022.
Doble ang tendensiya ng Pilipinong LGBTQIA+ na maging underemployed kumpara sa mga heterosekswal, habang triple ang posibilidad na mabiktima ng karahasan sa trabaho, ayon sa bagong pag-aaral sa UP. Para naman sa mga humihiling ng interpreter, nakatatanggap lamang sila ng mga negatibong komento, tulad ng pagiging “palaasa” at “mahina.”
Inilapat ang pag-aaral ni Celebrado sa lente ng “compulsory able-bodiedness” na hango sa “compulsory heterosexuality.” Sa compulsory heterosexuality, ikinikintal ang pamantayang itinatakda ang heterosekswalidad bilang natatanging normal at katanggap-tanggap na oryentasyon. Pinalawig ng mananaliksik na si Robert McRuer ang konseptong ito sa disabilities studies, at tinukoy ang compulsory able-bodiedness bilang balangkas ng mga pamamaraang idinidikdik ang kaisipang pagiging able-bodied lamang ang umaayon sa natural na kaayusan ng mundo.
Sa bisa nito, lumilitaw ang pagtatagpo ng iba-ibang salik ng diskriminasyon sa kanila: kapwa itinuturing na kailangang gamutin at lumalabag sa katanggap-tanggap na estado ng lipunan.
Bilang pagsalungat sa diskriminasyong nararanasan, itinatag ng Deaf LGBTQIA+ ang Pinoy Deaf Rainbow noong 2010 na nagsusulong ng kanilang karapatan. Nakabuo sila ng isang komunidad na may pagpapahalaga sa kanilang kultura at pagkakakilanlan. Dito, ganap na naunawaan ang kapangyarihan ng kanilang pagsenyas, gamit ang Beki Sign Language, bilang instrumento ng paggigiit sa kanilang espasyo.
Sikretong Senyas
Lumikha ang Deaf LGBTQIA+ community ng sariling senyas bilang code upang hindi maunawaan ng Deaf straight community ang kanilang pag-uusap, ayon sa pag-aaral nina Emmanuel David at Christian Cruz sa Feminist Formation noong 2018. Maihahalintulad ito sa swardspeak ng mga bakla, na umusbong bilang porma ng pagkukubli ng mensahe mula sa mga heterosekswal at pagtunggali sa kultural na dahas laban sa komunidad, ayon sa pag-aaral sa UP Department of Linguistics.
Kung gayon, nagsisilbing sandata ng Deaf LGBTQIA+ community ang pagsenyas laban sa tinatawag nilang dobleng diskriminasyon sa lipunang may pagkiling sa heterosekswal at nakaririnig. Bahagi ang Beki Sign Language sa paghubog ng “deaf sociality,” kung saan nakatutulong ang paggamit ng kanilang senyas upang mas mapalalim ang kanilang ugnayan sa isa’t isa, ayon kina David at Cruz.
May pagkakaiba ang Beki Sign Language sa Filipino Sign Language (FSL), tulad ng pilantik ng kamay. Sa FSL, limitado ang sakop ng pagsenyas sa isang takdang saklaw na tinatawag na imaginary frame. Kaiba ito sa Beki Sign Language na lumalampas sa imaginary frame, kaakibat ang mas animadong ekspresyon ng mukha at galaw ng katawan.
Sa Beki Sign Language, mas naipapahayag ng Deaf LGBTQIA+ community ang kanilang ekspresyon nang malaya, ani Disney Aguila, kasapi ng Pinoy Deaf Rainbow, sa panayam ng GMA. Halimbawa, sa Beki Sign Language, mas eksaherado ang paglalarawan ng salitang “transgender” kumpara sa American Sign Language dahil mas nakukuha nito ang ideya ng ganap na “transpormasyon” para sa kanila.
“Just as queer denotes refusals of enclosure, the beki turn (and beki sign) is expressive and excessive, spilling across imaginary frames otherwise meant to contain, tame, or domesticate. Beki turns remain open, unruly, and expansive,” sulat nina David at Cruz.
Pagkakaiba ng gamit ng Beki Sign Language at Filipino Sign Language batay sa imaginary frame.
(Dokumentaryong “When Fingers Talk Pink,” 2004)
Inklusibong Instrumento
Hindi na lamang paraan ng pagkukubli ng Deaf LGBTQIA+ community ang paggamit ng Beki Sign Language, ngunit instrumento na rin upang aktibong makibahagi sa pagtalakay ng mga panlipunang suliranin.
Gayong nananatiling opsyonal lamang ang pagtanggap sa trabaho ng PWDs sa mga pribadong kumpanya, ipinapanawagan ng mga Deaf LGBTQIA+ na baguhin at gawing inklusibo ang polisiya. Hangad din nila ang pagpapaigting sa implementasyon ng mga batas, partikular ang RA 7277, upang matiyak na walang sino man ang nakararanas ng diskriminasyon batay sa kanilang katauhan.
Gayundin, gamit ang vlog series tulad ng Bekitaktakan Deaf Edition, isinusulong nila ang Deaf-friendly na serbisyong medikal, tulad ng pagkakaroon ng interpreter na rerespetuhin ang kumpidensyal na mga ugnayan.
Gumagawa na rin ng sariling hakbang ang Deaf LGBTQIA+ upang maipaunawa sa iba ang kanilang sitwasyon. Nagtuturo sila sa ibang empleyado ng pagsenyas at ipinaiintindi ang kanilang kasarian, dagdag ni Celebrado sa kaniyang pag-aaral.
Kung patuloy na makukulong ang lipunan sa mga hindi makataong pamantayan, patuloy ring gagawa ng paraan ang Deaf LGBTQIA+ upang lansagin ang diskriminasyon at igiit ang kanilang espasyo. Sa huli, gaano man karaming kontradiksyon, patuloy nila itong haharapin—madalas, sa mas malikhain at magarbong kaparaanan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Hunyo 2025.