Kumikinang ang pag-iibigan nina Namtan Tipnaree at Film Rachunan sa Pluto, isa sa mga girl’s Love (GL) series na binibida ang kwento ng kababaihang queer sa midya. Sa darating na Hulyo 18, muling magtitilian ang madla sa kanilang fan meeting sa UP Theater. Ngunit sa lokal na midya sa bansa, hinahanap pa rin ng kababaihan ang tunay na representasyon ng kanilang pagmamahalan.
Bagaman may mga produksyong nangunguna sa pagbuo ng mga GL, patuloy itong mga bihag ng komersyal at patriyarkal na lente. Marahil, nakukulong ang iilang GL series sa mabentang pantasya ng kalalakihan na walang kinalaman sa tema ng pag-ibig.
Habang namamayagpag ang mga Boys’ Love series sa Pilipinas, nananatiling kulang ang puwang para sa mga lesbiyanang palabas. Kahingian sa mga GL na itanghal ang orihinal na layunin nito na nakaugat sa wagas at tunay na representasyon–bilang paglikha ng espasyo kung saan maaaring magmahal nang walang limitasyon.
Pagkaligaw ng GL
Ang GL ay isang genre ng pelikula at palabas na unang sumikat sa anyo ng Yuri manga sa Japan, hanggang sa napalaganap bilang mga popular na serye sa Thailand. Ipinapakita nito ang pag-iibigan ng dalawang bidang babae, at mabilis na nakapukaw ng atensyon ng mga queer na komunidad mula Asya hanggang Latin America. Lumaganap pa ito sa iba-ibang fandom, kabilang ang sinophone baihe culture, K-pop, shipping at sa mga kasalukuyang media trend na women-loving-women o WLW.
Bagaman sa Thailand unang sumikat ang GL, nagmula sa Yuri ang orihinal na layunin nito na mas mapauso ang “special relationships between girls” sa parehong babae at lalaking audience, ayon kay James Welker sa Japanese Media and Popular Culture.
Sa paglipas ng panahon, mas naging popular ang GL sa midya. Ngunit nalihis ito mula sa pagiging espasyo para sa lesbiyanang pag-ibig tungo sa pagiging produktong pinakikinabangan ng mga lalaki. Nagkaroon ng gender imbalance ang GL kung saan ang mga babae ay sumusunod sa isang iskrip na hinuhubog ng patriyarkal na paningin ng kalalakihan.
Ang ganitong representasyon ay umaayon sa male gaze kung saan mga katawan ng mga babae sa midya ay commodified, ayon kay Laura Mulvey sa kanyang sanaysay na ”Visual Pleasure and Narrative Cinema”.
Sa mga GL sa Thailand, lumilitaw ang komersalisasyong ito sa pagsisikap nilang gayahin ang tagumpay ng mga BL series, ayon sa pag-aaral nina Eva Cheuk-Yin Li at Ka Wei-Pang. Bagaman nakatuon ang BL sa queer na audience, hindi ito lubos na nagagawa ng mga GL. Sa halip, madalas nakapaloob ang naratibo ng mga GL sa fetishization at hindi sa tunay na pagsasalaysay ng lesbian love.
Lantad din ito sa Pilipinas, partikular sa mga pelikula ng Vivamax kung saan nakahanay ang mga naratibo sa kagustuhan ng kalalakihan. Inilalarawan ang mga lesbiyana sa mga sexualized trope bilang mga guro, tagabenta ng condo o kotse, nars, elevator lady, at iba pa. Mula rito, nagkakaroon ng pananamantala sa kababaihan, kung saan wala silang ibang saysay sa kwento kundi mabenta ang pelikula sa kalalakihang manononood.
Mga lesbiyana sa industriya
Nananatiliing hamon ang tunay at makataong representasyon ng mga lesbiyana sa midya, ngunit unti-unti naman itong nagbabago. Sa Thailand, lumilitaw ang mga GL na mas lapat sa romansa at may emosyonal na lalim, at pinamumunuan ng queer creators at audiences. Ipinapakita nito na posible ang naratibong hindi lunod sa pantasya ng kalalakihan.
Sa Pilipinas, binidahan nina Patricia Tingjuy at Ace Asuncio ang pelikulang “Rookie,” isang kwentong coming-of-age na nagbibigay-tinig sa karanasang lesbiyana sa midya. Nasa sentro ng pelikula ang dalawang lesbiyanang tauhan at ang kanilang pagtataguyod sa kanilang identidad at pagmamahalan sa gitna ng patriyarkal at heteronormatibong lipunan.
Sa kabila ng mga limitasyon sa representasyon sa midya, nasasaksihan na rin ang unti-unting pagnormalisa ng pagmamahalang lesbiyana sa mga espasyong lampas dito. Naitala ang unang espiritwal na seremonya ng same-sex union sa Isabela noong Hunyo 8, 2025–patunay na ang pag-ibig ay walang kinikilalang hangganan.
Paglikha at pag-ibig
Sa pagsulat ng GL na hindi nakaangkla sa pagnanasa, may posibilidad na muling katawanin ang lesbiyanang karanasan. Isang paraan ang paggamit ng katawan ng babae hindi bilang produkto kundi bilang sandata para sa paghahayag ng sarili, na ginawa ni Helene Cixous sa “The Laugh of Medusa.”
Kinakailangang maisakatuparan ang mas makabuluhan na paggawa ng mga GL para magkaroon ng inklusibong paglalarawan ng LGBTQIA+ sa midya na hindi natatakot umibig. Bukod sa mga pelikulang indie, nasimulan na ito ng mga bansa tulad ng Thailand na may seryeng “Gap: The Series” na mas patok sa kababaihang queer.
Sa kabilang banda, bumabalakid ang mga panukalang batas tulad ng MTRCB Bill na naglalayong higpitan ang nilalaman ng mga streaming platform—isang hakbang na nagbabantang limitahan ang mga queer at lesbiyanang naratibo sa midya. Lalong nagiging mahalaga na maisulong ang SOGIE Equality Bill para maprotektahan ang karapatang pantao nila, kabilang ang karapatan sa makataong representasyon.
Malayo na rin ang narating ng GL sa midya. Nabaluktot man ang orihinal na layunin nito, maaari itong maibalik sa landas kung patuloy ang pagsusulong ng mga kuwentong tunay na nagmumula sa mga lesbiyana at kababaihang queer. Sa paglikha at paninindigang ito, maitatanghal ang mga tinig na matagal nang naisantabi. ●
“Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Hunyo 28, 2025.