(UPDATED as of 1:00 p.m.) Tatlong residente ng Brgy. Patungan, Maragondon, Cavite ang sugatan matapos barilin ng Philippine National Police (PNP), Philippine Air Force, at pribadong gwardya ang mga mangingisdang tumindig laban sa tangkang pagpapagiba sa kanilang komunidad, Enero 13.
Sinubukang itawid sa dagat ang mga sugatan para dalhin sa ospital subalit hinarangan ito ng pwersa ng kapulisan at ng mga pribadong gwardya ng mga kumpanyang nasa likod ng demolisyon. Sa halip na dalhin sa ospital ay binitbit ang mga sugatan sa isang detachment kung saan sila ay binugbog, batay sa mga saksi ng BAYAN-Cavite.
Sinugod ng mga hindi bababa sa 300 armadong indibidwal ang komunidad, bandang alas 9:00 ng umaga. Namataan din ang presensya ng mga SWAT sa mga daan dahilan para hindi makapasok ang mga residenteng nais tumulong sa mga sugatan.
Bago pa man ang marahas na insidente ngayong araw, naiulat din ng mga residente sa lugar ang pag-aligid ng may 250 pribadong gwardya mula sa Seraph Security Agency at ng PNP.
Tahanan ang Patungan ng mahigit sa 300 pamilyang pinaalis ng M.T.V. Properties and Holdings Corporation ng pamilyang Virata at ng hinihinalang kasabwat nitong Pico de Loro Beach Resort ng pamilyang Sy.
Aabot sa 640 ektarya ang sakop ng komunidad kung saan matatagpuan ang Patungan Cove na isang sikat na pasyalan. Bukod pa rito, ang nakapaligid na katubigan sa komunidad ay maunlad sa isdang bangus at tilapia, habang ang mga taniman ay mayabong sa niyog, mangga, gulay, at iba’t ibang uri ng root crops.
Sa isang pahayag, Enero 14, itinatanggi ng SM Investments Corporation (SMIC) ng mga Sy ang kanilang pakikisangkot sa demolisyon at pag-aari sa anumang lupa sa Patungan. “Muling iginigiit ng SMIC na hindi ito kailanman nagkaroon ng anumang pagmamay-ari at hindi rin nasa anumang acquisition sa tinutukoy na lupa.”
Subalit, magmula pa lamang noong 1990 ay naidokumento na ang paggamit nila ng tear gas sa mga residente sa lugar.
Bunsod ng marahas na demolisyon, nananawagan ang Pamalakaya, grupo ng mga mangingisda, at Anakpawis Party-list kay Cavite Governor Jonvic Remulla na ipatigil ang bayolenteng demolisyon sa lugar.
“Mr. Remulla is expected to take the side of the fisherfolk in Maragondon who are about to lose their community and fishing livelihood to give way to business interests,” anang Pamalakaya at Anakpawis sa isang pahayag.
Pinagpapaliwanag din ng mga residente Maragondon Mayor Rey Rillo dahil umano sa pagpapahintulot nito sa demolisyon. Hinihiling naman ng iba’t ibang grupo sa Commission on Human Rights na imbestigahan ang insidente at magpadala ng atensyong medikal sa mga biktima. ●