Ni ILIAS AGUSTIN
Gabi ng pasko. Maghahating-gabi. Pinaiinit ng pananabik ang malamig kong biyahe papuntang Norte. Habang sa paligid ko’y mga naiidlip na pasaherong naghahabol na makauwi sa kanilang mga kaanak sa probinsya sa natitirang mga araw ng bakasyon.
Mabilis ang pitong oras na unang bahagi ng biyahe. Pagsapit ng madaling araw, narating namin ang kapitolyo. Doon kami sinalubong ng susundong dyip sa amin. Higit na malamig noong mga oras na iyon na tila nakikipagbuyo ako sa antok na hatid ng marahang hampas ng hangin. Sa kalagitnaan ng biyahe na kami binati ng unti-unting pagsikat ng araw sa likod ng mga hagdang palayan at kabundukan. Di ko napansing limang oras na ang lumipas ng marating namin ang sitio.
Nagsimula kaming maglakad. Habang ako’y nag-iisip kung sino ang mga kaibigang maaari kong datnan doon. Ito ang muling pagkakataon kong dumalaw makalipas ang apat na taon. Ilang sandali pa’y sumukal na ang binabagtas naming daan.
Di nagtagal, narating namin ang kanilang mga pwesto. Ang ilan sa amin, napapalingon sa paghahanap sa kanilang mga binisita. Hanggang isa-isa silang nagsulputan at ang bawat isa sa mga kasama kong bisita ay binati ng ngiti at mainit nilang pakikipagkamay. “Parang kilala ko itong mga to,” sabi ng pamilyar na boses mula sa aking likuran. “R,” pakilala niya sa akin sa bago niyang pangalan. Ang mga sumunod na minuto ay pinaingay ng kamustahan.
Agad nila kaming pinagpahinga upang maya-maya’y makapaghanda naman para sa programa kinagabihan. Hindi ko na maabala si R noon dahil siya mismo’y naghahanda para sa iskit nila. Nakatakdang ilunsad sa gabing iyon ang lokal na pagdiriwang ng anibersaryo ng rebolusyonaryong Partido.
Simple lang ang bihis ng okasyon. Sa harap ay may itim na tabing na nagsisilbing blackboard na ginuhitan ng magkatambalang manggagawa at magsasaka. Nakatitik ang tema ng pagdiriwang: Biguin ang kontra-insurhensya. Iabante ang rebolusyon patungong estratehikong pagkakapatas. Sa magkabilang gilid ay dalawang pulang watawat. Sa palibot ng grounds ay mga upuang kawayan. Mag-aalas siyete nang mabilis itong pinuno ng pagdating ng mga kumbidadong lokal na suporter at mga kasapi ng mga rebolusyonaryong organisasyon mula sa mga karatig na sitio. Ilang sandali pa’y binuksan ang programa ng tradisyunal na pagsayaw sa saliw ng mga gangsa.
Pinuno ng mga pagbati at pagtatanghal ang buong programa. Kabilang ang mga pagtatanghal nina R at ng mga kasamahan niya ukol sa buhay at pakikibaka ng mga tulad nilang mga hukbo. Di ko inakalang ganoon na ang ikinahusay ni R sa gawaing pangkultura. Ilang oras na nagtagal ang programa at wala ni isang pinalalampas na bisita sa tradisyonal nilang pagsasayaw. Kahit kaming mga dayo ay nawili. Madaling araw na nang tinapos ang programang nag-iwan sa mga nakipag-anib ng mainit na mensahe ukol sa mga tungkulin at tinatanaw na mapagtagumpayan ng Partido sa mga susunod na taon.
Kinabukasan ko na nahanapan ng oras si R na makipagkuwehtuhan. Inusisa ko siya tungkol sa mga naging karansan niya roon. Sa mga sumunod na araw, hindi na lamang siya ang nakababahaginan ko kundi pati ang mga kasamahan niya sa yunit. Nagsimula sa mga sharing ngunit kalauna’y naglunsad na rin ng mga pormal na aktibidad na nilahukan ng mga bisita at ng mga hukbo—tulad ng pag-eehersisyo, workshop sa gawaing pangkultura, panimulang kurso sa gawaing medikal at iba pa. Sa libreng oras ay malaya kong nakakakuwentuhan ang mga hukbo sa kung paano sila sumampa, sa pagpapamilya, sa kolektibo nilang pamumuhay, sa pag-oorganisa sa kanayunan, at sa patuloy na pagsasakrapisyo, pag-aaral at pagpupursigi ng bawat isa sa larangang kaniling pinili. Ito na rin ang mga kuwentong naging media noche namin sa pagsalubong sa bagong taon.
Mabilis ang mga araw para sa akin doon. Sa maikling panahon, tila hindi lang ako kay R muling nakapagbuo ng ugnayan kundi sa kanilang lahat. Sabi niya, maikli raw ang isang linggo, magtagal pa raw ako doon nang higit pa akong matuto mula sa mga konkretong tunggalian, at doon ganap na unawain at yakapin ang makauri at makatarungang digmaan ng higit na nakakararami.
Pinaalalahanan ko si R na sumulat ng mga liham na maaari kong ibigay sa iba pa niyang kaibigan sa Maynila. Bago kami umalis, iniwan ko at ng iba pang bisita ang mga ilang gamit at damit para sa mga hukbo, samantalang pabaon nila ang pagpapaalala sa iniwang mensahe sa amin ng dinaluhang anibersaryo. Bagaman walang katiyakan ang muling pagkikita, hindi ganoong sentimental ang pagpapaalam. Marahil, mayroon sa aking nagtitiwalang kaagad na makabalik doon, kung hindi man ay sa ibang larangan at doon ganap na bumuo ng kapasyahan sa pananatili at buong panahong pagtangan. ●
Para kay R, kay L, at sa iba pa. At para sa alaala ni I at T. Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-14 ng Enero 2011, gamit ang pamagat na "Panata."