Ni SHEILA ANN ABARRA
Tila naging maaga ang UP Fair. Oktubre, sa halip na Pebrero. May buhay ang bawat gabi at nagmumula ang kapangyarihan hindi lamang sa musika at sayaw, kundi lalo sa mga mag-aaral at propesor na napahanga at naantig sa giting ng mga bisitang Lumad na naglakbay mula pa sa Mindanao.
Ito ang Kampuhan sa Diliman, isang solidarity camp na ginanap mula ika-26 ng Oktubre hanggang ika-2 ng Nobyembre noong nakaraang taon sa College of Human Kinetics grounds.
Binuhay nito sa ating kamalayan ang tunay na diwa ng UP Fair: masaya, makabuluhan, at rebolusyonaryo. Natapos man ang Kampuhan, malaki ang naging tagumpay nito—mula sa ambag sa panawagang wakasan ang karahasan ng militar sa mga komunidad ng Lumad hanggang sa pagtataas ng kamulatan ng mga estudyante at guro ng pamantasan.
Matagal-tagal na rin mula nang huling makapaglunsad ang UP ng ganitong klase ng selebrasyon ng sining at pagkakaisa. Ipinaalala ng Kampuhan ang kasaysayan at potensyal ng malikhain at subersibong musika at himagsik ng UP Fair.
Interlude
Unang idinaos ang UP Fair noong dekada ’80 bilang isa sa maraming porma ng protesta ng mga estudyante ng UP laban sa pasismo ng Martial Law sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Isa itong tipikal na serye ng kultural na pagtatanghal—bukas sa lahat ng nais makiisa sa subersibo nitong mensahe at mag-ambag sa pagpapalaganap nito sa malikhaing paraan.
Taong 1984 ang isa sa pinakaunang UP Fair na ginawa para makalikom ng pondo para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Marcos. Nagpatuloy ang ganitong tema taun-taon hanggang sa maging institusyon ito, isang taunang tradisyon na tinangkilik ng mga kabataan sa loob at labas ng pamantasan.
Sa katunayan, marami sa mga sikat na banda ngayon sa bansa ay bahagi ng UP Fair bago pa man ang kanilang katanyagan: Eraserheads, Asin, The Jerks, The Dawn, Juan de la Cruz Band, The Wuds, Buklod, Sinaglahi, at marami pang mga makabayang musikero at bandang hindi lamang mahusay sa kanilang sining ngunit palaban din sa kanilang suri sa lipunan. Patunay itong hindi lamang lunsaran ng subersibong musika ang UP Fair. Ang UP Fair ay subersibong musika—malikhain dahil taliwas sa nakasanayan, mapanghimagsik dahil kritikal.
Isang halimbawa ang UP Fair noong 2007 na may temang “Rakestra” na layuning kundenahin ang pagtataas ng matrikula mula P300 patungong P1500 per yunit at ang pagrerepaso ng patakaran ng unibersidad sa socialized tuition.
Sinundan ito noong 2009 ng “Meant FAIR each other,” isang paraan ng panawagan upang makialam sa mga isyu ng lipunan ang bawat iskolar ng bayan. Nagkaroon pa rito ng pagputol sa isang gabi ng fair dahil nagpumilit pumasok ang isang grupo ng lalaki na hindi taga-UP. Bagaman tagalabas, hindi pa rin ito naging dahilan para gawing eksklusibo lamang para sa mga taga-UP ang UP Fair.
Isa pang halimbawa ang UP Fair noong 2011 na may temang “Education in desFAIR” na nanawagang wakasan ang patuloy na pagkaltas ng badyet para sa mga pampubikong kolehiyo at pamantasan. “Rebokultura: Breaking the Silence, Revolutionizing Music” naman ang tema noong 2012 upang gisingin ang mga mag-aaral at umaksyon sa iba’t ibang isyu sa pamantasan tulad ng pagpapatayo sa UP Town Center, na ngayon ay isa ng multi-bilyong komersyal na establisyamento ng Ayala.
Masasabing kilala ang mga Iskolar ng Bayan na gumagamit ng sining at musika sa pagsusuri ng iba’t ibang isyu ng lipunan at nananawagang aksyunan ito. Ito ang orihinal na UP Fair–nagsusulong ng mataas na kamalayan at ideya gamit ang sining.
Chorus
Ayon sa sanaysay na “Art as Technique” ni Viktor Shklovsky, isang Rusong manunulat at kritiko, na nailimbag noong 1917, may pamamaraan ang sining na gawing hindi pamilyar ang anyo ng isang bagay o tingnan ito sa pamamagitan ng bagong lente.
Samakatuwid, may kakayahan ang sining na wasakin ang mga tradisyunal na porma ng sining. Sa ganitong proseso maaaring maging subersibo ang musika, kapag tumataliwas ito sa nakasanayan, kapag pinipili nitong suriin at ilantad ang mga krisis sa lipunan, at kapag nagsisilbi itong boses ng api at pinagsasamantalahan.
Sa paglipas ng panahon, lumalabnaw na ang ganitong karakter ng UP Fair at ng musikang ipinatatangkilik dito. Dahil sa naging popular na ang UP Fair naging tunguhin nito ang lumikom ng pondo. Sa katunayan, ang kinikita ng mga nakaraang UP Fair ay ipinagpapalagay namapupunta sa mga “cause-oriented” na proyekto, gaya noong 2013 kung saan mga dormitoryo at varsity teams ng UP ang naging benepisyaryo ng UP Fair.
Kung kaya naman ang dating UP Fair na libre, ngayo’y kinukulapulan ng mga pinakasikat na banda at artistang inaasahang maghihikayat ng mas marami pang tao para bumili ng tiket. Mas mataas at mas matibay na ang mga pader ng UP Fair ngayon, guwardyado ang bawat pasukan at labasan—hindi makakapasok ang sinumang walang tiket.
Dahil sa kinakailangang pagtugon sa mga talent fees ng mga sikat na banda, nagkaroon na rin ng mga commercial sponsors kapalit ng advertisements na naglalako ng sari-saring produkto at serbisyo.
Naging pangunahing dahilan na samakatuwid ang pagkalap ng pondo sa pagdaos ng UP Fair kahit limitado lamang ang ambag nito sa paglutas ng mga problema ng unibersidad at lipunan. Ngayong taon, tila lalong lumalayo ang UP Fair sa subersibo at makabuluhan nitong potensyal. Nagkalat sa social media ang tema ngayong taon: “Kasama ka sa Trip.” Mapanghikayat ang paanyaya ng tema, ngunit hindi malinaw kung ano ang kabuluhan ng “paglalakbay,” o kung saan ito patungo.
Muli, maaaring humugot ng aral mula sa tagumpay ng Kampuhan. Hindi iilan ang nagpahayag sa social media ng kanilang karanasan sa isang linggong pakikisalamuha at paglubog sa mga Lumad. Pinukaw ng mga rebolusyonaryong mga pagtatanghal sa Kampuhan ang imahinasyon ng mga dumalo at naging tuntungan ito upang lalong lumakas ang kampanya laban sa militarisasyon ng mga komunidad ng mga katutubong tulad ng mga Lumad.
Coda
Pambansang Buwan ng Sining ang Pebrero at mainam na pagkakataon ito upang patampukin sana ng darating na UP Fair ang makabuluhan at subersibong potensyal ng sining—lalo sa panahong hinahamon ang unibersidad ng bagong pagkaltas sa pondo nito at sa lumalalang komersyalisasyon ng edukasyon sa pamamagitan ng socialized tuition.
Mahalaga ang gampanin ng propaganda sa pagpapaigting ng tunggalian sa lipunan at sa paggiya ng kamalayan na maaabot nito tungo sa wastong pagtugon sa mga atake sa ating mga batayang karapatan. Isa itong hamon at panawagan sa kasalukuyang konseho at tagapagdaos ng UP Fair na tiyaking buhay ang ganitong diwa ng sining na malaya at mapagpalaya. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-9 ng Pebrero 2016, gamit ang pamagat na “Himig at Himagsik.”