Naglipana ang mga paglabag sa International Humanitarian Law sa nakaraang eleksyon, kung saan nagtala ang isang poll watchdog ng 550 kaso ng pagbabanta, harassment, at intimidasyon, karamihan laban sa Makabayan bloc at mga tagasuporta nito, mula Pebrero hanggang Mayo.
Isinagawa mismo ng estado ang kalakhan ng mga kasong ito sa pamamagitan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ayon sa International Observer Mission, proyektong naglalayong bantayan ang mga anomalya sa eleksyon sa bansa.
Sinundan ito ng 112 kaso ng red-tagging, na banta sa buhay, kalayaan, at seguridad ng mamamayan ayon sa desisyon ng Supreme Court noong 2024. Kabilang pa sa naitalang paglabag sa karapatang pantao ang paniniktik, tortyur, at pagdukot, madalas sa mga komunidad sa kanayunan.
Naitala ang malaking bahagi ng mga kasong ito sa Cordillera, Southern Tagalog, Western Visayas, Bicol, at Mindanao, mga rehiyong malaon nang sentro ng mga extrajudicial killing at sapilitang pagkawala sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., ayon sa Karapatan.
“Under the guise of fighting the armed revolutionary movement, the government’s counterinsurgency campaigns have deliberately targeted any and all forms of dissent, including the campaigning of activists and civilian organizations,” saad ng ulat ng International Observer Mission.
Noong Abril 20, inaresto at dinukot ng mga sundalo sina Andy Magno, coordinator ng Kabataan Partylist, at Sofia Almonte, isang katutubong Agta, habang sila’y nangangampanya sa Isabela. Mahigit isang buwan na ang lumipas ngunit hindi pa rin nakakalaya ang dalawang organisador.
Samantala, naiulat na nawawala si Pauline Joy Banjawan, campaign coordinator ng Bayan Muna Southern Tagalog, noong Abril 26. Matapos ang dalawang araw ng paghahanap, napag-alamang nasa kustodiya siya ng pulis at kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives, taktika na malaon nang ginagamit ng estado laban sa mga aktibista.
Kabilang din sa pinuntirya ng estado ang mga sibilyang ipinagtatanggol ang kanilang komunidad laban sa demolisyon, land grabbing, at iba pang porma ng atake. Noong Marso, sumidhi ang aerial bombing sa mga komunidad ng Mangyan sa Mindoro, kasabay ng paglawak ng mga proyektong pagmimina ng iba-ibang kumpanya.
Labag ang pagbobomba sa principle of distinction ng International Humanitarian Law dahil wala itong tiyak na tinatarget kaya maging ang mga sibilyan ay nagiging biktima.
Tumindi rin ang militarisasyon sa Mindanao ilang linggo bago ang eleksyon bunga ng Balikatan Exercises na isinagawa mula Abril 21 hanggang Mayo 9. Ayon sa mga observer, ginamit ng mga lokal na pulitiko ang pulis at militar bilang proteksyon habang nangangampanya o nagsasagawa ng vote buying, bagay na naghahasik ng takot sa mamamayan.
Sa Bangsamoro, maraming guro ang tumanggi na magbantay sa mga presinto dahil sa banta ng election-related violence. Dulot nito, tumaas ang presensya ng pulis bilang pamalit sa mga guro sa araw ng eleksyon.
Upang isulong ang malaya at malinis na eleksyon, giniit ng International Observer Mission ang pangangailangang ibasura ang Anti-Terrorism Act of 2020 at buwagin ang NTF-ELCAC, na ayon sa watchdog ay kapwa ginagamit sa panunupil ng lehitimong kritisismo sa gobyerno.
Higit pa, hinikayat ng grupo ang muling pagsali ng Pilipinas sa International Criminal Court bilang hakbang sa pagpapanagot sa mga paglabag sa karapatang pantao.
“A free and fair election is one where the candidates are free to nominate, all citizens can register to vote, the public have good information about the issues and what the candidates stand for, and they can cast their votes in peace,” saad pa ng ulat. ●