Muling ibinalandra ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang pagkagumon sa paghuthot sa kaban ng bayan.
Sa pagbabalak ng kaniyang administrasyong ilipat ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa Office of the President (OP), hindi maiiwasang tumindi ang pangamba ng mga Pilipino. Lalong papalya ang matagal nang nabubulok na sistemang pangkalusugan ng bansa sa oras na malagay sa alanganin ang pondong susuporta sana sa paghatid ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
Hindi maikukubli ang tunay na pakay ng administrasyon ni Marcos. Noong inilantad ng Department of Health (DOH) ang pagbuo ng joint technical working group para pag-aralan ang pagpapasailalim ng Philhealth sa OP, itinanggi ng DOH ang paglalahad sa publiko ng dahilan sa mungkahing reorganisasyon.
Paglilihim sa sambayanan ang ipinapakita ng administrasyon sa pag-aalinlangan nitong isadetalye sa publiko ang tunay na layunin ng paglilipat. Ngunit ano mang estilo ng pagtatago sa katotohanan ang gawin ni Marcos, lilitaw pa rin ang pakay ng kaniyang panlilinlang.
Hindi maiiwasang maiuugnay ang pagbabalak na paglipat ng Philhealth sa OP bilang bahagi ng programang reorganisasyon ng pangulo. Isa sa mga direktibang patakaran ng administrasyong Marcos ang rightsizing o pagrereporma ng burukrasya. Sa itinutulak na House Bill 7240, mabibigyan ang administrasyon ng kapangyarihang tanggalin o ilipat ang mga ahensya at kawani ng gobyerno sa loob ng sangay ng ehekutibo. Katwiran ng reorganisasyon ang pagpapabilis at pagpapasimple ng mga proseso sa pamahalaan na isa sa mga pangako ni Marcos sa kaniyang kampanya pagkapangulo.
Bagaman maaaring sabihing para sa pagpapabuti ng mga operasyon sa gobyerno ang paglilipat ng Philhealth, kaduda-duda ang pagsasakatuparan ng ganitong layunin. Liban sa hindi tiyak ang resultang mapasimple ang proseso ng burukrasya, hindi malayong palusot lamang ito ng gobyerno para magbawas ng mga empleyado upang makatipid sa gastusin. Sa ilalim ng rightsizing program ni Marcos, maaapektuhan ang hanapbuhay ng mahigit 2 milyong empleyado ng gobyerno, ayon sa Department of Budget and Management.
Esensyal sa bawat pagsisikap na isulong ang pagpapabuti’t paghuhusay ng burukrasya sa gobyerno ang pag-angkla ng mekanismo nito sa prinsipyo ng katarungan at pagtupad ng pananagutan–ngunit mismong pagtitiyak ng pananagutan at paghahatid ng hustisya ang mga napatunayan nang di kayang panindigan ni Marcos at ng Philhealth.
Hindi nakalilimot ang mga Pilipino sa parehong kasaysayan ng katiwalian ng dalawa. Gawi na nilang takasan ang kanilang pananagutan–tulad ng P1.5 trilyong yamang nakaw na di pa nababalik ng pamilya Marcos at ng umanong pagkamkam ng Philhealth executives ng P15 bilyong pondo mula sa “interim reimbursement mechanism.” Kung kaya’t di na rin nakapagtataka ang pagkahumaling ni Marcos na maipasailalim ang ahensyang naglalaman ng bilyon-bilyong pondong maaari niyang sarilihin.
Sa pagmamaniobra ni Marcos, tiyak na mga ordinaryong Pilipino ang magdurusa. Bukod sa paghamak sa pondong kalakhan nito ay nagmumula sa perang pinaghihirapan ng sambayanan, ginigipit din ng administrasyon ang ating karapatan sa pagtamo ng de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatamasa ng mga Pilipino ang benepisyo ng Universal Health Care (UHC) mula nang naisabatas ito noong 2019.
Hindi pagmamalasakit para sa sektor ng kalusugan ang ipinapakita ng tangkang pag-ako ng OP sa responsibilidad na pangasiwaan ang Philhealth. Bagkus, ipinapakita nito ang malabnaw na pagtingin ng administrasyon sa pagtugon sa krisis pangkalusugan. Bigo pa ring makapagtalaga ng kalihim ng DOH si Marcos sa kabila ng halos isang taong panunungkulan niya bilang pangulo.
Ngunit hindi ibig sabihin na ideyal o nakasasapat lang na manatili ang Philhealth sa DOH. Kung may totoong malasakit ang administrasyon sa pagsulong para sa karapatan sa kalusugan, titiyakin dapat nito ang pagbura ng pangangailangan para sa serbisyo ng Philhealth. Sintomas ng nabubulok nating sistemang pangkalusugan ang mismong pag-iral ng korporasyon na kung saan tinatratong negosyo ang serbisyong pangkalusugan.
Buhat ng paraan ng pagpapagana ng Philhealth, naglalaan ng espasyo ang institusyon nito para sa mga tiwaling opisyal na makurakot ang perang nakalikom dito. Mula pa sa pagkabuo ng korporasyon noong 1995, lagi itong nadarawit sa mga kaso ng anomalya na umaabot sa milyong pisong halaga.
Sa kabila ng UHC, bigo ring naisakatuparan ng Philhealth ang mandato nitong gawing mas abot-kaya ang mga serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng mga Pilipino. Natuklasan na hanggang 40 porsyento lamang sa pangkalahatang gastusin sa pagpapagamot ang kayang suportahan ng mga health packages ng Philhealth, ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2022. Nakita ring mas mababa pa sa 52 porsyento ang population coverage ng Philheath sa ilang mga probinsya.
Kung tunay na pumapanig si Marcos sa interes ng mamamayan para sa pagpapabuti ng sistemang pangkalusugan ng bansa, agaran niyang isakatuparan nang buo ang UHC. Higit pa rito, marapat tiyakin ng kaniyang administrasyon ang sapat na pagpopondo para sa mga serbisyo at programang pangkalusugan at tutugunan ang pagbuo ng libre, komprehensibong pambansang sistema ng pampublikong kalusugan.
Gayunman, batid na ng lahat na hindi kailanman pinapahalagahan ng pangulo ang kapakanan ng mamamayan. Hayag na ang kaniyang tunay na pakay sa likod ng paglilipat ng Philhealth sa OP–at hinding-hindi na niya kaya pang maitago ito sa tabing ng reporma o reorganisasyon.
Bantayan natin ang pangambang pagsasakamay ni Marcos sa mga ahensyang maaari niya pang mahuthutan ng labis-labis na salapi. Nangangahulugan ito ngayon ng higit na pangangailangan para sa ubos-lakas na pagkilatis ng taumbayan sa kanyang pamumuno. Sa patuloy na pagpapabaya ng administrasyon sa lumalalang krisis pangkalusugan ng bansa, hindi malayong mamamayan na ang mangangahas na lumikha ng karampatang lunas para dito. Asahang sa lunas na kanilang lilikhain, pangmatagalan ang remedyo, pangkalahatan ang ginhawa. ●