Hindi ko man maamin, batid kong gusto ko ring gumanda. Tuwing nag-iisa ako sa amin ay isinusuot ko ang dilaw na daster ni Inang sa harap ng salamin. Kada bisig na sumusuong sa karayagan ng damit ay tila ritwal ng transpormasyong gaya kay Usagi, bida ng Sailor Moon. Kulang na lamang na ibulalas ko ang, “Moon Crystal Power, Make Up!” habang hawak ang koloreteng nahugot sa tukador. Kung hindi ko lang ito itinatago kay Inang, siguro ay matagal ko nang ginawa.
Alam kong hindi tamang maglihim kay Inang. Gayunpaman, wala akong maipong lakas ng loob upang ipagtapat ang totoo.
Subalit hindi nagtagal ang sikreto. Isang hapon ay napaaga ng uwi si Inang. Pagkabukas ng pinto ay parehong napako ang paningin namin sa isa’t isa.
Hawak ang lipstick, nasimot ang lahat ng aking palusot.
Dala ng kakulangan ng badyet pambili ng laruan, hindi na iba kay Inang ang kaugalian kong pagdiskitahan ang kung ano-anong bagay na laman ng bahay: sirang plantsa, walis tambo, at iba pa. Malimit na madampot ko ay ang beauty kit na kung saan-saan naiiwan ni Inang. Paborito ko ang maninipis na lapis na pandrowing ko ng tulay sa pagitan ng magkaaway kong kilay. Hindi naman naalarma si Inang. Ito kasi ang gawaing kinalakhan ko bilang kaagapay sa trabaho niya sa barangay.
Dati, nang galugarin ko ang sewing box sa bahay, aksidenteng natusok ng karayom ang aking hinlalaki. Dali-daling pumatak ang tuldok ng dugo sa sahig.
Tuloy sa pananahi si Inang. Banayad ang ekspresyon habang nakatuon sa punit ng damit. “‘Wag mong pigilin ang luha mo, Tonyo,” aniya. “‘Wag kang matakot.”
Ngayon, gumuhit ang malamig na pawis sa noo ko. Pinilit kong matawa, ipinagsawalang-bahala ang alaala at umiling-iling sa pagpapaliwanag na para ito sa roleplay sa klase. Hindi umimik si Inang. Tahimik akong bumalik sa silid para magpalit.
Tuwing walang kliyente si Inang ay nagkakaroon ako ng kalayaan lumabas. Binibisita ko ang kababata kong si Sheryl sa kabilang kanto. Lagi niyang kayakap ang manikang padala ng Tita niyang OFW. Sa sala nila kami nagbababad sa anime. May pagkakataong maski ako ay napakapit sa laruan niya habang nanunuod. Nangyari ito noong napilitan si Usagi na ilantad kay Mamoru, kanyang ka-love team, na siya si Sailor Moon upang protektahan ito sa kapahamakan.
Minsan ay inabutan kami ng kuya ni Sheryl na nakatutok sa TV. Pawisan ang buo nitong katawan lalo ang kili-kili. Halatang kakagaling lang sa court. “Ano ‘yan, barbie?” tanong niya.
Umiling ako.
“Mahilig ka pala sa ganito, Tonyo?” todo-ngising pahabol ng kuya ni Sheryl. “Bading ka siguro.”
“Hindi ah!” kagyat kong sagot. Nagitla si Sheryl. Maski ako ay nagulat sa tono ng pananalita ko.
Magdamag kong pinag-isipan ang paratang ng kuya ni Sheryl. Habang nakatalukbong sa kumot buong gabi, hindi ko ma-imagine ang sariling nagpapakatotoo.
Sa school ay sinubukan kong patigasin ang kilos ko upang takasan ang radar ng mga bully. Pag pumipilantik ang mga daliri ko tuwing recitation, agad kong binababa ang kamay ko. Sa lansangan pauwi ay ginapang naman ako ng takot dulot ng bulyawan ng mga lasinggero. Ano na lang ang mangyayari kung mabulilyaso ang aking pagpapanggap? Alam ko namang naaapektuhan na si Inang ng mga tsismis ukol sa kanyang unico hijo. Naririnig ko ang mga komentong nanghihinayang ng mga kliyente niyang nagpapa-pedicure sa bahay. Ang kwentuhan kasing nag-uumpisa sa pagiging honor student ko ay malimit mauwi sa pagka-malambot ng aking katawan.
Lumangitngit ang lumang gate ng bahay. Ibinaba ko ang mga mata ko sa aninong nakatayo sa harapan. “Tonyo,” panimula ni Inang, “may inililihim ka ba sa akin?”
Nabato ako sa pagkakatayo. Hindi makakibo. Inihanda ko na ang sarili sa anumang paparating, hanggang sa napapikit na lamang ako sa tindi ng kabang kumalabog sa dibdib.
Ginulo ni Inang ang buhok ko. Natigilan ako. Nagtatakang iniangat ang aking ulo.
Inilabas ni Inang ang maliit na kahon na nakatago sa kanyang likuran. Natulala ako sa kanyang kaliwang kamay. Hindi makapaniwala sa nakikita.
Tiningnan ko si Inang nang ilang sandali, saka siya niyakap nang kay higpit sa bewang bago ibaon ang mukha ko sa kanyang tiyan. Hindi ko na napigilan ang aking nararamdaman.
“‘Wag kang matakot, Tonyo,” bulong niya. “Andito lang ang Inang para sa ‘yo.”
Hawak ang regalo, sabay kaming pumasok sa loob ng aming tahanan. ●