Ni HANNAH CHAN
Masdan mo: isang Bikolanong Chinoy na bagaman nagtapos ng kursong Ingles ay nakapagsulat na ng higit 140 na screenplay, mga dula, TV at movie scripts, at nobela—sa Filipino. Ito si Ricky Lee, isang palaisipan sa sarili niyang paraan.
Malamang nakasalamuha mo na si Ricky Lee—sa panonood man ng teleseryeng Lobo, o pelikulang Himala, o sa pagbabasa ng script-writing manual na Trip to Quiapo. Pero sino nga ba ang tao sa likod ng sikat na pangalan? Nakapanayam namin si Ricky tungkol sa kanyang gawain bilang isang manunulat.
Saan mo nakukuha ang mga ideya para sa iyong mga akda?
Basta mabuhay ka, maraming mga ideya sa palibot. Sa Pilipinas, napakayaman natin sa karanasan ng mga tao. Hindi ka mauubusan ng ideya dahil ang daming pwedeng isulat. In fact, sana mayroon kang another lifetime para magsulat nang magsulat. I think hanggang mamatay ako, hindi ako mauubusan ng gustong isulat.
Kapansin-pansing may aspetong socio-pulitikal ang karamihan ng iyong mga kwento. Bakit mo napiling magsulat tungkol dito?
Hindi naman matatanggal sa bawat manunulat iyon na sadyang may socio-political aspect sa mga gawa. Kahit sa Para Kay B, which is purportedly about love, actually, in the end may structure sa likod ng mga bagay-bagay na nagdidikta kung ano ang kumbensyon tungkol sa love story. May mga writer na all-knowing, tinitingnan ang subject mula sa malayo.
Gaano kahalaga na ang paglubog mo sa situwasyon na ikinukwento mo?
Bilang writer kailangang i-savor ang detachment, ang paglayo at pagtingin sa lahat—na parang invisible ka. Pero mas importante ang naka-immerse ka, kasi kailangang maging ikaw [ang subjects mo] kung writer ka—ikaw ang maging puta, sundalo, ang ipis, ang mesa. Kailangang patayin ko ang sarili ko para ako maging sila.
Ano ang pagkakaiba ng pagsusulatng screenplay at ng nobela? Paano nakakatulong ang medium na gamit mo sa pagpaparating ng iyong mensahe?
Sa pelikula, collaborative and collective, so hindi ikaw ang sole author. After having written scripts for almost 30 years—150 plus produced scripts, double that ang unproduced scripts—ganoon pa rin ang situation, hindi ako sole author. May mga scenes, situations at nuances na hindi akin or may mga hindi na-keri ng artista. Director ang lagging on top. On the other hand, sa nobela, kahit ang dami kong kinonsulta, kahit ang daming focus group discussions, may readers ako na nag-feedback. Nag survey ako sa more than 150 friends, even if ang dami kong kinatulong in putting together the book, in the end ako ang responsible sa gawa ko. In a way, may feeling na exhilaration sa pagsulat ng nobela na hindi ko makukuha kahit kailan sa pagsulat ng script.
May gusto din ako ma-achieve na goal. Laging sinasabi na hindi na nagbabasa ang mga tao ng nobela, na hindi na kailangan ng tao ang libro. Ang dami ngang nobela ngayon pero English naman. Doon ako na-cha-challenge. Iyon ang goal ko, gusto ko magsulat ng nobela na babasahin.
Bakit sa pamamagitan ng pagsusulat mo ipinaparating ang iyong mensahe? Ano sa palagay mo ang responsibilidad ng panitikan sa lipunan?
Kailangan ko bilang writer iparamdam o ipakita sa mga mambabasa ang structure sa likod ng mga bagay-bagay. Trabaho ng writer na ipakita iyon sa isang paraang mayayakap ng mambabasa. Kailangan gumawa ka ng paraan na kayakap-yakap ka. Kailangang makarating ka sa mambabasa. Importante kung paano ka makakarating sa mambabasa.
Ano ang masasabi mo sa kalagayan ng pantikang Pilipino ngayon?
Maraming bagong writers na mahusay pero ganoon pa rin, kaunti ang naka-aappreciate. Kaunti ang nakakabasa, kaunti ang outlets. Noong panahon namin, may Filipino Free Press. Kaya kung writer ka, pwede ka magsulat in Filipino ng short story o ng reportage o non-fiction at may magazine na maglalabas ng gawa mo. Pero ngayon, saan ka na pwede maglabas ng writing in Filipino? Wala ang regularity ng magazine.
Ang mga writers din ngayon, nagmamadali—hindi sa literature lang, pero kahit sa scriptwriting. Nagmamadali ang mga writers to break into the profession agad-agad. Ang mga writers dati, matagal sa pagho-hone ng craft, sa pagsa-savor ng learning process. Ngayon wala nang ganoon, ang gusto ay resulta agad—mabenta agad, magkatrabaho agad. Dahil na rin sa hirap ng buhay, sa panahon at sa lakas ng competition. Ang kultura din ngayon, palit nang palit, nagmamadali lahat. Ang writer, wala nang solitude ng learning.
May urban legend na kaunti lang ang mga produced na screenplay mo kumpara sa mga unproduced at nakatago na manuscript sa isang baul. Gaano katotoo ang ganitong usap-usapan?
I have an entire cabinet of unproduced scripts. Maraming dahilan kung bakit hindi sila napo-produce—walang producer, masyadong depressing, masyadong uncommercial. O minsan hindi na available ang artista. Hindi lang dahil di commercial, although kadalasan iyon ang reason. Wala pa kasing indie films noon. Kung ayaw ng producer, wala kang magagawa.
Kakaiba ang gamit mo ng wikang Filipino sa iyong mga isinusulat—gumagamit ka ng kilometric sentences sa maikling kwentong Servando Magdamag, at mga colloquial na dialogo. Bakit ganito mo ginagamit ang wika?
Ang language natin, nag-eevolve, kaya hindi ko ikinakahon. Bukas ako sa unconventional na gamit ng lengguwahe dahil nagbabago nga ito. In a way, you’re empowering your reader dahil ginagawa mo silang part ng proseso ng pagbabago ng wika.
Graduate ka ng BA English Studies sa UP Diliman. Bakit ka sa wikang Filipino nagsusulat?
Noong high school ako nagsimula magsulat. English ang isinusulat ko. Pero nabasa ko sa Filipino Free Press na open sila sa baguhang writers. I was in high school and I wanted to be published. So ang ginawa ko, trinanslate ko ang sinulat ko in Filipino. At ang nakuha kong pera dito, ginamit kong panluwas sa Maynila. Nagdere-deretso na ako ng Filipino writing. Nagsusulat ako sa lengguwaheng naiintindihan—kaya din ang ibang short story ko ay journalistic. Conscious ako na dapat akong basahin ng mga mambabasa.
Para kanino ka nagsusulat?
Sa simula you come up with standard answers—nagsusulat ako para sa bayan, sa sarili ko, sa masa, para sa kumite…I went through all those, pero in the end, kung ako ay writer, I have to keep on writing. I write because I am a writer.
Mayroon ka bang mensahe para sa iyong mga mambabasa at sa mga kabataang manunulat?
Huwag magmadali. Savor that melody, that note of a single word.●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-03 ng Marso 2010 sa pamagat na Walang Himala: Isang Panayam sa Manunulat na si Ricky Lee.